HINDI na lamang laban ng mga akademiko ang pagkontra sa pagtanggal ng wikang Filipino at Panitikan sa kolehiyo; laban na ito ng buong Filipinas dahil nakasalalay rin sa wika ang kinabukasan ng identidad ng bawat Filipino, ayon sa mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino.

Binigyang-diin ni Roberto Ampil, dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, na hindi maisasakatuparan ng mga mambabatas na ilatag sa kurikulum ng edukasyon ang mga kursong makatutulong sa pagbuo ng identidad ng isang mag-aaral kung wala ang Filipino at Panitikan.

“Paano mo maipapakita ang identidad kung pinapatay mo ang o tinatanggal mo ang wika at panitikan? Paano mapapahalagahan ng mga bata kung ang mismong mga nakaupo sa gobyerno ang siyang nagtatanggal nito at nagbabalewala?” wika ni Ampil sa isang panayam sa Varsitarian.

Sinabi rin ni Ampil na sa kolehiyo tunay na napag-aaralan ang katuturan ng wikang Filipino at Panitikan sa lipunan.

“Sa kolehiyo, ang pinag-uusapan natin ay ‘yong pagdidiskurso at pagbubuo ng isang teorya. Inilalatag natin at tinuturuan natin ang bata kung ano ang kamalayan na maibabahagi niya sa lipunan,” ani Ampil.

Binigyang-diin naman ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, na wala nang pag-asa ang susunod na henerasyon kung patuloy na ipagsasawalang-bahala ang wikang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

“Kailangan ding makita nila na hindi tayo sumusuko at lalo tayong nagagalit at tumatapang habang nasusugatan. Masyado nilang ginawang napaka-legalistic ang pagtanaw sa question ng paggamit sa Filipino bilang language of instructions,” dagdag ni Almario.

Ayon naman kay Alvin Ringgo Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, maaapektuhan ng pagkawala ng Filipino at Panitikan ang iba pang sangay ng instruksyon.

“Mababansot ang pag-unlad ng Filipino sa iba’t ibang disiplina. Nasa kolehiyo ang tamang pagtalakay ng Filipino na nakatali sa antas teknikal. Kung magpapatuloy ito, magbubunga tayo ng henerasyon ng mga Filipinong hindi kayang iangkop ang propesyon nila sa kontekstong Filipino,” wika ni Reyes.

Pinuna naman ni Rommel Rodriguez, direktor ng Sentro ng Wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, ang argumento ng Commission on Higher Education (CHED) tungkol sa pag-uulit ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

“Ni hindi ninyo nga yata nakita ’yong syllabus namin, kung anong kaibahan nito sa elementarya, hayskul at kolehiyo. Bigla na lang silang nag-decide na nauulit lang ‘yan na hindi totoo. Makipagdiyalogo kayo sa amin para makita ninyo ang epekto ng ginagawa ninyong mga polisiya mismo sa grassroots level,” wika ni Rodriguez sa isang panayam.

Ayon naman kay Joselito de los Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Literatura sa Unibersidad: May mga karunungang tanging sa pagsusuri ng teksto sa larang ng Panitikan at pag-unawa sa komplikasyon ng wikang dulot ng pag-aaral ng wikang Filipino lamang makukuha.

“Hindi lamang sinusuri nito ang mga dakilang akda, tinutugis din nito ang dahilan ng kadakilaang iyon,” wika ni de los Reyes sa isang panayam.

Noong ika-9 ng Nobyembre tinanggal ng Korte Suprema ang temporary restraining order sa CHED Memorandum Order (CMO) No. 20 Series of 2013 na nag-aalis ng 15 yunit ng kursong Filipino at Panitikan sa core subjects sa kolehiyo.

Iba’t ibang organisasyon ang bumatikos sa pagtatanggal ng mga kurso tulad ng Departamento ng Literatura at Filipino ng Unibersidad.

Naghain naman ng motion for reconsideration ang Tanggol Wika, samahan ng mga guro, manunulat, mag-aaral, at mga tagapagtaguyod ng wika at kultura ng bansa, para sa CMO No. 20 noong ika-26 ng Nobyembre, kasabay ng protesta sa Plaza Salamanca.

Ayon kay Cheryl Peralta, vice rector for academic affairs, nagkaroon na ng konsultasyon sa mga dekano at kasalukuyan nang gumagawa ng academic policy na ihahain sa Academic Senate ng Unibersidad. may ulat mula kina Francis Agapitus E. Braganza, Karl Ben L. Arlegui at Genielyn Rosario M. Soriano

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.