ISANG Tomasinong propesor ang pararangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa kaniyang saliksik tungkol sa pagsasalin ng panitikang pambata.
Hinirang na pinakamahusay na disertasyon ang saliksik ni Wennie Fajilan, propesor ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, na pinamagatang “Pananalig sa Bata: Kasaysayan at Panunuri ng Muling Pagsasalaysay at Pagsasaling Pambata sa Filipino” para sa ikalimang Gawad Julian Cruz Balmaseda.
Tinalakay ng kaniyang saliksik kung paano nakapagbibigay-aral ang banyaga at sinaunang kultura sa kabataang Filipino ngayon.
Pinag-aralan nito ang 500 na naisaling dokumento mula sa Ingles ng mga kuwentong pangbata mula 1879 hanggang 2016.
“Napili ko ito [paksa ng disertasyon] dahil dahop na dahop ang mga pag-aaral tungkol sa muling pagsasalaysay at pagsasaling pambata, maging sa Araling Salin sa Filipino,” wika ni Fajilan sa isang panayam sa Varsitarian.
“Nasa bata ang likas na pagdama ng kasiyahan ng buhay, ang malikhaing pag-iisip at ang tapang ng tao na kilalanin at linangin ang mundo. Kung laging bitbit ang ating pagkabata, higit tayong magiging mapagkalinga at mapaghanap ng kasagutan sa mga suliranin sa buhay,” dagdag ni Fajilan.
Nakamtan ni Fajilan ang kaniyang doktorado sa Filipino major sa Pagsasalin sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.
Ipinagkakaloob ang Gawad Julian Cruz Balmaseda sa mga natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan at iba pang kaugnay na larang na isinulat sa wikang Filipino.
Si Julian Cruz Balmaseda ay isang dalubhasang makata, kritiko at iskolar ng Filipino.
Idaraos ang paggawad sa ika-27 ng Enero sa Bulwagang Romualdez sa tanggapan ng KWF sa Maynila. may ulat mula kay Joselle de la Cruz