Kabataang manunulat, mas mulat ngunit kailangang maging maingat

0
3210

BINIGYANG-DIIN ng makata na si Paul Castillo na bagaman mas mulat ang mga kabataang manunulat sa kasalukuyan, dapat silang maging maingat sa mga binibitawang salita.

“‘Yong mga estudyanteng tumutula, parang mas alam nila ‘yong nangyayari. Hindi sila bulag. Kailangan lang sigurong mas maayos ‘yong kanilang pananalita or articulation at imahinasiyon para maituring na panitikan ‘yong kanilang isinusulat,” wika ni Castillo sa paglulunsad ng kaniyang aklat na “Walang Iisang Salita” noong ika-22 ng Enero sa Conspiracy Bar, Lungsod Quezon.

Dagdag pa ni Castillo, dalubguro sa Unibersidad, mahalaga ang mga salitang binibitawan sa mga kakilala kaya hindi dapat masayang ang bawat pantig.

Produkto ng mahigit isang dekada na pagsusulat ng tula ang nilalaman ng “Walang Iisang Salita” ni Castillo.

“At sa totoo lang, hindi ko maisusulat ang karamihan sa mga tulang ito kung hindi dahil sa pinagdaanan ko ring hirap na trabaho sa [National Service Training Program o NSTP]. Natutuhan ko ‘yong hirap ng buhay sa pakikimuhay at pakikisalamuha sa mga tao sa pamayanan,” paliwanag ni Castillo na isang dating NSTP facilitator sa Unibersidad.

Nabanggit naman ni Aldrin Pentero, pangulo ng Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo, na makikita sa unang aklat ng manunulat ang pagsasanib ng lahat ng nabasa at natutuhan ng isang makata.

“At kung bubusisiin ninyo ang libro, makikita ninyo na isa itong magandang pagsasama ng kaniyang natutuhan, nalaman, impluwensiya at inspirasyon na makikita sa sukat at tugma, sa tinig at himig, at sa talinghaga,” paliwanag ni Pentero.

Pinuri naman ni Ma. Ailil Alvarez, direktor ng UST Publishing House (USTPH), ang persona ng mga tula bilang “halos perpektong tagamasid.”

“The poet’s tools are secrets, silences, and gaps in between and Castillo capitalizes on all these. The sharp eye he lavishes upon his composition splices open the silences and renders the page as his own canvas,” sabi ni Alvarez.

Inilimbag ang kauna-unahang aklat ni Castillo sa ilalim ng USTPH.

Noong nakaraang taon, naiuwi ni Castillo ang unang gantimpala para sa kaniyang koleksiyon ng tula na “Luna’t Lunas” sa ika-68 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Nakamit din niya ang karangalang banggit sa nagdaang ika-26 Gawad Ustetika. may ulat mula kay JOSELLE CZARINA S. DE LA CRUZ

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.