BINANSAGAN ang isang liwasan sa loob ng Unibersidad na “Lovers’ Lane” na naging tagpuan ng mga magkasintahan. Alam ba ninyong nakapangalan ang Lovers’ Lane sa tatlong tanyag na tao?
Ipinangalan kay Padre Jose Burgos, isang martir, at sa mga bayaning sina Dr. Jose Rizal at Marcelo H. del Pilar ang mga daanan nito.
Nagsisilbi itong daanan mula sa Plaza Intramuros, na binubuo ng Arch of the Centuries, at fountains of knowledge at wisdom, hanggang sa Plaza Benavides kung saan makikita ang rebulto ni Miguel de Benavides, ang tagapagtatag ng Unibersidad.
Mahigit 32 taon ang hinintay nang mailipat noong 1927 ang Unibersidad sa Sampaloc mula Intramuros, bago nagkaroon ng pangalan ang mga kalsada rito.
Naghain ng resolusyon si Luis Ablaza, noo’y pangulo ng konseho ng mga mag-aaral, tungkol sa hangaring ito. Nagpasa ang konseho ng 100 na pangalan ng tanyag na alumni ng Unibersidad sa noo’y Rektor Padre Jesus Castañon, O.P., at secretary general Padre Antonio Gonzales, O.P.
Pagkaraan ng ilang pagbabago, pormal na kinilala noong ika-7 ng Marso 1960 ang mga pangalan ng kalsada kasabay ng pagdiriwang ng University Day at pista ni Santo Tomas de Aquino.
Ngayon, makikita dito ang mga mag-aaral na nag-eensayo ng kani-kaniyang gawain o pagtatanghal.
Ani Joshua Luna, mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Arkitektura, isang aspekto lamang ng Lover’s Lane ang pagkikita rito ng mga magkasintahan.
Wika niya: “The ambiance, lighting and natural setting of the lane especially at dusk is essentially what makes it full of emotions.”
Binigyang-diin din ni Luna ang makulay na pailaw na masisilayan dito tuwing kapaskuhan, isang tradisyong patuloy na isinasagawa ng Unibersidad.
Kaugnay nito, nabanggit ni John Joseph Villanueva, mag-aaral ng electronics engineering, ang dedikasyon sa sining na kaniyang nasasaksihan dito.
“Marami kasi akong nakikitang nagpapractice mag-drawing o kaya tumutugtog, kumakanta [at sumasayaw]. Makikita na talagang mahal nila ang ginagawa nila,” paliwanag ni Villanueva.
Sinang-ayunan ito ni Joco Amistad ng Fakultad ng Inhinyerya: “Love for work…naaabutan ko rin kasi ‘yong mga gardeners doing their job.”
Sinabi naman ni Camille Balagtas, nagsasanay na guro sa Mataas na Paaralan ng Edukasyon, na kagiliw-giliw rin ang mga nakakasalamuhang mga hayop dito.
“Nakakatuwa ‘yong mga pusa kasi napakalambing at napakaamo nila. Dito makikita natin na kasabay ng ating pag-re-relax ay may mga kasama, parang feel at home,” ayon kay Balagtas. may ulat mula kay Nathanael Jonas S.J. Rodrigo