Si Dionisio San Agustin at kaniyang pagsulyap sa daigdig

0
3327
(Kuha ni Chris V. Gamoso/The Varsitarian)

BINUBUO ng mga tala at aral sa pagbisita ni Dionisio San Agustin, isang periyodista sa bungad ng nakaraang siglo, ang bagong lunsad na aklat na “Ilang Sulyap sa Daigdig” (UST Publishing House, 2018).

Para kay Michael Coroza, patnugot ng aklat, mapapansin dito ang nabuong naratibo tungkol sa buong panahon ng pagdalaw at pagdanas ni San Agustin sa Amerika.

“May anim at kalahating dekada na ang mga kaisipang ito ngunit hindi mapasusubaling makabuluhan pa rin sa kontemporanyong sitwasyon ng ating bayan,” paliwanag ni Coroza, propesor sa Ateneo de Manila, noong ika-13 ng Pebrero sa Gusaling Albertus Magnus.

Dagdag pa niya, malalagom ang pagbisita ni San Agustin sa tatlong punto: ang pagmamahal sa bayan at maayos na pagpapatakbo ng pamahalaan, pagtuon at pagpapabuti ng agrikultura sa Filipinas, at ang dangal ng mga mamamahayag.

Ipinamalas din ni San Agustin ang kahusayan sa pagsasalin ng mga akdang kinapapalooban ng mga hilig, ugali at pamumuhay ng ibang lahi na mapag-aaralan ng mga Pilipino.

“Isang siyang intelektuwal na hindi sarado sa mga posibilidad ng pagkatuto ng mga Pilipino sa mga gawa at gawi ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo…nabibigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na makilala at mapaunlad ang sariling pagkatao sa paraang komparatibo at kritikal,” ayon kay Coroza.

Nabanggit din sa talakayan ang sampung utos para sa mga mamamahayag na itinala ni San Agustin bilang gabay tungo sa pagiging kapaki-pakinabang at mahusay na tagapag-ulat.

Binigyang-diin ni Alvin Ringgo Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, na isang magandang hakbang ito sa pagpapaalala ng tungkulin ng mga mamamahayag.

“Maganda ‘yong ganitong uri paglilimbag na nagpapaalala sa atin ng mga basics o batayan ng peryodismo lalo na sa panahon ng hindi na lang written media ang paraan natin ng journalism kundi malaganap na rin ang online,” wika ni Reyes.

Kabilang si San Agustin sa hanay ng mga progresibong manunulat sa wikang Tagalog. Kilala rin siya sa sagisag panulat na “Dosia” at naging tagapagtatag at punong patnugot ng Bagong Buhay, isang broadsheet sa Wikang Pambansa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.