BINIGYANG-LIWANAG ng pelikulang Quezon’s Game ang isang madilim na bahagi ng kasaysayan sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng pagtulong ng mga Filipino sa mga Hudyo sa paglikas mula sa Nazi Germany.

Matapos ang ilang dekada, ang pagtulong na ito ang nagpatibay sa pagkakaibigan ng Filipinas at Israel.

Nagsimula ang pelikula, na mula sa direksiyon ni Matthew Rosen, taong 1938 nang nakatanggap si Alex Frieder (Billy Ray Gallion) ng telegrama na nagbalita na sasakupin ni Adolf Hitler ang Austria at Alemanya.

Agad na humingi ng tulong si Frieder sa Pangulong Manuel Quezon (Raymond Bagatsing) upang maipadala sa Filipinas ang 10,000 na nanganganib na mga Hudyo.

Sa una’y hindi sumang-ayon si Quezon, ngunit pumayag din siya dahil sa pangugumbinsi ng kaniyang asawa na si Aurora Quezon (Rachel Alejandro).

Ayon kay Aurora, hindi man sila makatanggap ng karangalan sa pagkupkop sa mga Hudyo, iyon pa rin ang nararapat gawin.

Makikitang ito ang naging hudyat upang mahabag si Quezon, kaya naman pansamantala niyang isinantabi ang pangunahing plano sa pagkamit ng kalayaan ng Filipinas.

Suntok man sa buwan ang plano nilang dalhin sa Filipinas ang mga tatakas na Hudyo, pinilit kumbinsihin ni Quezon ang embahada ng mga Aleman, ngunit hindi siya nagtagumpay.

Kaya naman nagsagawa siya ng pampublikong anunsiyo ukol sa kaniyang plano at hindi naglaon ay pinayagan ang pagpapatuloy ng 1,200 na Hudyo sa bansa.

Bagaman kalaban na niya ang tuberkulosis, pinatunayan ni Quezon na mahalagang unahin pa rin ang malasakit sa kapuwa at pagsisilbi sa bayan.

“May ginawa ka sa panahong ang lahat ay nagsawalang bahala. Hindi ‘yon malilimutan ng bawat Filipino,” sabi ni Aurora, mga salitang kumurot sa puso ng mga manonood.

Namatay si Quezon dahil sa sakit na tuberkulosis dalawang taon bago makamit ng Filipinas ang kalayaan sa taong 1946.

Higit sa politika at buhay ni Quezon, sinalamin ng pelikula ang kultura ng mga Filipino at tatak Tomasino na pagkakaroon ng malasakit.

Kumuha ng abogasiya si Quezon sa UST noong huling bahagi ng dekadag nagmula 1890, ngunit pansamantala siyang tumigil noong 1899 upang makibahagi sa pag-aaklas ni Emilio Aguinaldo laban sa mga Amerikano.

Matapos ang digmaan, bumalik siya sa pag-aaral at nakamit niya ang ika-apat na puwesto sa bar exams noong 1903.

Kilala si Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa at pangulo ng Commonwealth.

Sa kabila ng politika sa Filipinas na puno ng mga taong pansariling kapakanan lamang ang iniisip, ipinaaalala ng Quezon’s Game ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga lider sa lipunan na pinahahalagahan ang buhay ng tao, Filipino man o hindi.

Itinayo ang monumento na “Open Doors” sa Israel bilang pag-alaala at pasasalamat sa kabutihan ni Quezon noong 2009.

Bukod dito, malayang nakapupunta ang mga Filipino sa Israel nang hindi kinakailangan ng visa, bilang pasasalamat sa tulong ng Filipinas noong ikalawang digmaang pandaigdig.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.