Debosyon sa Santisimo Rosario, nag-ugat sa pagbabago, pagsubok

0
1890

BUKOD sa katangi-tangi ang Parokya ng Santisimo Rosario dahil nasa loob ito ng isang Unibersidad, katangi-tangi rin ang pinag-ugatan ng debosyon sa Mahal na Birhen na nagdaan sa ilang pagbabago at pagsubok.

Sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pangdaigdig, itinalaga ng dating arsobispo ng Maynila na si Michael O’Doherty ang kapilya sa Unibersidad na maging isang parokya noong ika-26 ng Abril 1942.

Noong ika-28 ng Setyembre 1942, inilipat ang nasagip na imahen ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo o La Naval sa parokya.

Ito ang naging simula ng pagdiriwang ng kapistahan sa parokya tuwing unang linggo ng Oktubre kung saan dito isinasagawa ang nobena para sa Mahal na Ina ng Santo Rosaryo La Nava de Manila hanggang taong 1954.

Ayon sa libro ni P. Gallardo Asor Bombase, Jr., O.P., na “Santisimo Rosario Parish: Its History and Guide for Parish Leaders,” isang bala ng anti-aircraft gun ang tumama malapit sa altar ng imahen ng Mahal na Birhen noong ika-6 ng Pebrero 1944.

Sa kabila ng panganib, inilayo ni P. Juan Ortega, O.P. ang bomba mula sa imahen at nang sa gayo’y maiiwas ito sa posibleng pagkawasak.

Taong 1954 nang italaga ang imahen ng La Naval sa bago nitong kapilya sa simbahan ng Santo Domingo sa lungsod ng Quezon.

Sa pangunguna ni P. Santos Galende, O.P., ibinalik ang orihinal na imahen ng parokya mula noong 1954 hanggang 1958. Hanggang sa magkaroon din ng mga bagong reporma sa liturhiya buhat ng Second Vatican Council sa pamumuno naman ni P. Patricio Rodrigo, O.P.

Isang dekada ng pagbabago ang nangyari sa parokya noong dekada ‘80. Lalong ipinalaganap ni Bombase ang serbisyo ng parokya sa mga kalapit-bahay ng Unibersidad pagkatapos ng EDSA Peo ple Power Revolution noong 1986 sa pagsasagawa ng fiesta at iba pang pamparokyang aktibidad.

Nagpatuloy ang debosyon sa parokya sa pamumuno ng mga magigiting na kura paroko kung saan sinimulan ang Basic Ecclesial Communities, pagbalik-tanaw sa misyon ng parokya, pagpapaayos ng mga pasilidad, at pagsunod sa pagbabago ng panahon dulot ng teknolohiya.

Simula noong Oktubre 2017, ipinagdiwang ang ika-85 anibersaryo ng Parish hanggang sa kapistahan noong 2018 sa pangunguna ni P. Louie Coronel, O.P.

Tomasino siya

Isang katangi-tanging serbisyo sa Simbahan ang ipinakita ni Leonida Laki Vera kung saan ilang proyekto at pagkilos para sa kababaihan sa Simbahan ang kaniyang sinimulan.

Taong 1956 nang magtapos siya ng kursong Accountancy sa dating kolehiyo ng komersiyo sa Unibersidad.

Nagsilbi siya bilang Philippine Ambassador to the Vatican City mula 2004 hanggang 2008.

Nagtrabaho rin siya para sa United Nations Development Fund for Women at mga ilang organisasyon sa Simbahan gaya ng Caritas Manila, Council of Laity of Manila, Children Rosary Movement at Paraclete Foundation.

Si Vera ang kauna-unahang babae na ginawaran ng Pontifical Order of Saint Sylvester noong 1994, isang papal knighthood na para sa kalalakihan lamang dati.

Noong 1995, tinanggap ni Vera ang outstanding alumna award in community service mula sa College of Commerce.

Iginawad kay Vera ang The Outstanding Thomasian Alumni para sa kaniyang serbisyo sa Simbahan noong 2005.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.