Dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino, inihalal na pangulo ng Sangfil

0
2602

INIHALAL ang dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad na pangulo ng grupong Sanggunian sa Filipino (Sangfil).

Umupong pangalawang pangulo ng grupo si Roberto Ampil mula 2016 hanggang 2019. Magsisilbi siyang pangulo hanggang 2022.

Kasalukuyang din siyang kalihim ng Pambansang Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin, pinuno ng program and projects promotion committee sa Hamaka Pilipinas Ink., at kalihim ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro.

Ayon kay Ampil, mahalagang pangalagaan ang wika ng bansa dahil “hanguan at impukan ito ng kultura.”

“Walang magmamahal sa ating wika kundi tayo rin, walang papatay sa wika kundi tayo rin. [P]atuloy natin itong pagyamanin at paunlarin sa pamamagitan ng higit pang pagsasanay sa paggamit nito sa iba’t ibang larangan,” wika ni Ampil sa isang panayam sa Varsitarian.

Dagdag pa niya, paiigtingin ng Sangfil ang pagtuturo sa mga guro sa Filipino upang lubos silang maging handa sa paggamit ng wikang pambansa sa akademya at pangangalaga sa kultura ng bansa.

Layunin ng Sangfil na linangin ang wikang Filipino upang maging mabisang midyum sa pagtuturo sa iba’t ibang larangan sa akademya.

Itinatag ito noong 1994 sa pangunguna ng Unibersidad ng Pilipinas Sentro ng Wikang Filipino, upang iangat ang kalagayan ng pagtuturo ng Filipino at magkaroon ng sistema ng pagbabaybay.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.