(Kuha ni Nadine Anne M. Deang/The Varsitarian)

MARAPAT nang makilala bilang isang propesyon ang pagsasalin sa bansa dahil malaki ang naitutulong nito sa pag-unlad ng wikang Filipino, giit ng mga tagasalin.

Iginiit ni Virgilio Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at kilalang tagasalin, panahon na para makilala ang propesyong ito sa bansa na dapat ding bigyang-pansin ng gobyerno ng Filipinas.

“[N]apakarami nating dapat pag-aralang wika at… nangangahulugang napakaraming dokumento, literatura, at iba pang sulatin na dapat nating maisalin mula sa iba’t ibang wika tungo sa filipino o kaya mula sa filipino tungo sa iba’t ibang wika,” wika ni Almario.

“[H]indi naiintindihan ng ating gobyerno kaya hindi binibigyan ng sapat na pansin. Akala nila ito ay trabaho lamang ng mga guro sa filipino. [N]apakalaking gawain [nito] at kaya ito ay isang propesyon sa ibang mga malalaking bansa sa mundo,” dagdag pa ni Almario.

Isang multilingguwal na bansa ang Filipinas na binubuo ng higit sa 100 katutubong wika at iba’t ibang banyangang wika, kaya kinakailangan ang pagsisikap sa pagsasalin ng mga akda at iba pang materyales sa bansa, ayon kay Almario.

Winika rin ni Almario na makatutulong ang pagsasalin sa kalidad ng reading comprehension sa bansa.

“[A]ng reading comprehension ay isang malaking problema ng mga estudyante. [Dapat na] makita nila na ang trabahong pagsasalin ay nangangahulugang pagtulong sa reading comprehension,” wika ni Almario.

Para naman kay Eilene Narvaez, propesor sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, hindi maihahalintulad sa ibang propesyon ang pagiging bihasa sa larang ng pagsasalin.

“[P]arang buong panahon o sa kalagitnaan ng iyong buhay hindi mo pa din masasabi na bihasa ka na sa pagsasalin… kailangan mahasa ang iyong kasanayan sa paggamit ng wika at dun sa pagtutumbas. Hindi kagaya ng ibang propesyon na nag-aaral ka ng apat na taon,” wika ni Narvaez.

Giit pa ni Narvaez, malaki ang gampanin ng pagsasalin sa pag-unlad ng bansa na binubuo ng maraming wika.

“Mahalaga yung pagsasalin dahil mayroon din itong gampaning pangwika para sa bansa. Katuwang ng pag-unlad ng isang wikang pambansa ang pagsasalin. Kasangkapan ito para maangkin natin sa ating wika ang mga angkat na kaisipan, karanasan sa isang multilingguwal na lugar tulad ng atin,” wika ni Narvaez.

“Sa pagsasalin din ang paraan para mailahok ang ambag ng iba’t ibang katutubong kultura sa isang pambansang pamalayan na nakapaloob sa isang pambansang wika,” dagdag pa ni Narvaez.

Ipinaalala rin ni Narvaez na hindi lang dapat umasa sa mga machine translation gaya ng Google Translate.

“[H]indi pa mapagkakatiwalaan ang machine translation kasi hindi pa ito maiiwanan at kailangan pa ring pumili kung hindi angkop ang mga salita,” wika ni Narvaez.

Alintuntunin sa pagsasalin, tutukan

Iginiit ni Michael Coroza, tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas at ng Pambansang Komite sa Wika at Salin sa Pambansang Komisyon para sa Kultura, na pagdating sa saling-awit, mas binibigyang halaga ang praktika ng pagpapalit-awit kaysa sa pagsasaling-awit.

“Maaaring sinadya ng naghalaw na baguhin o hindi sundin ang orihinal sa kung anomang dahilang pinangangatwiranan o pinangangatawaran niya personal man o pampolitika. Maaari rin namang talagang nagmamadali o tinatamad lang siya,” wika ni Coroza.

“Kapag paghalaw ang naganap may isang deribatibong teksto na nalilikha sa tunguhang lengguwahe at marami sa mga kaisipan o kahulugan at iba pang katangian ng orihinal ang hindi naililipat gayong maaari naman sana,” dagdag pa ni Coroza.

Dagdag pa ni Coroza, propesor sa Kagawaran ng Filipino sa Ateneo de Manila University, dapat maunawaang mabuti ang pagkakaiba ng mga paraan sa saling-awit.

Sa palit-awit, isang bagong kanta ang nalikha na walang naiwang bakas ng orihinal na letra at ang lapat-awit, ang paglalagay ng letra sa musika o melodiya sapagkat wala talaga itong orihinal na letra o liriks, ayon kay Coroza.

Wika naman ni Narvaez, mahalagang maunawaan ang kahalagahan ng pagsasaling teknikal na nakatutulong sa iba’t ibang larang.

“Habang may bagong imbensyon, isinasalin ito sa ibang wika [at] ibang kultura. Dumadaan ito sa pagsasaling teknikal. Ngunit… hindi itinuturing na isang propesyon ang pagiging tagasalin at gawaing akademiko ang pagsasalin,” ayon kay Narvaez.

Iminungkahi naman ni Alvin Ringgo Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, ang pagdisenyo ng kurso ng pagsasalin sa General Education tulad ng pag-aangkop ng pagsasalin sa partikular na larang at pagpapalawak ng kapasidad nito.

Ayon naman kay Roberto D. Ampil, propesor sa Filipino sa Unibersidad, kailangang maituro ang mga estratehiya sa pagtuturo ng pagsasalin at hamunin ang mga estudyante kung hanggang saan ang kanilang kakayahan at kaalaman.

Inorganisa “Sipat-Salin 2019: Mga Perspektiba sa Pagtuturo ng Pagsasalin sa Filipino sa K-12 at GEC” ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, katuwang ang UST Departamento ng Filipino at KWF.

Isinusulong nito ang de-kalidad na pagtuturo ng pagsasalin sa bansa. C. D. A. Contreras at B. A. P. Domingo

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.