‘Tuntunin sa tamang pagbaybay, simulan sa basic education’ – KWF

0
8727
(Kuha ni Arianne Maye D.G. Viri/ The Varsitarian)

IMINUNGKAHI ng isang komisyoner mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na simulan sa basic education ang mga tuntunin sa tamang pagbabaybay ng wikang Pambansa.

“[K]ailan ka pa magsisimula, kapag ‘yong mga gamit nila ng baybay ay mali-mali at mahirap na iwasto? Kasi mas madali ang magturo kaysa magbura sa utak o magpalit?” wika ni Arthur Casanova sa isang panayam sa Varsitarian.

Ayon pa kay Casanova, mahalaga rin na maipaunawa sa iba’t ibang rehiyon ang kahalagahan ng kanilang mother tongue.

Iginiit naman ni John Torralba, pinuno ng Sangay ng Salin sa KWF, kailangan din na maipalaganap ang Ortograpiyang Pambansa (OP) dahil marami sa mga Filipino ang hindi nakaaalam ng tamang pagbabaybay ng wikang pambansa.

“[N]akita namin ngayon na kahit college na e mali-mali pa rin ‘yong ispeling, ‘di ba? Kaya simulan sa bata, kaya… basic lamang para sa walang kaalam-alam sa paggamit ng tamang pagbaybay,” wika ni Torralba.

“[M]arami na ang hindi nakaaalam sa mga tuntunin sa pagbabaybay… umaasa kaming mahihikayat ‘yong mga paaralan na seryosohin ang pag-aaral [ng] ortograpiya,” dagdag pa ni Torralba.

Idinaos ng KWF ang “Iispel Mo,” pambansang paligsahan sa ispeling para sa mga mag-aaral ng ikaanim na baitang sa buong bansa, sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Edukasyon at Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino (Kasugofil) noong ika-25 ng Enero sa Seamo Innotech, Diliman sa lungsod ng Quezon.

Layunin nito na linangin ang kakayahan ng bawat mag-aaral sa wastong ispeling ng mga salita alinsunod sa OP.

Unang isinagawa ang paligsahan noong 2016 sa pamumuno ng dating tagapangulo at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario, at Kasugofil. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.