IPINAGPALIBAN ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang ilang mga programa at timpalak para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon sa gitna ng coronavirus (Covid-19) pandemic.

Alinsunod ito sa patakaran na inilabas ng Department of Health kaugnay sa kanselasyon ng malakihang pagtitipon para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Kabilang dito ang “Kampeon ng Wika,” ang taunang parangal sa mga natatanging indibidwal o pangkat na lumalahok sa pagtataguyod at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika.

Matatandaang itinanghal na Kampeon ng Wika 2019 sina Dr. Michael M. Coroza, Dr. Galileo S. Zafra, Dr. Mario I. Miclat at Joaquin Sy.

Kinansela rin ng KWF ang “Dangal ng Wika” na kumikilala sa mga indibidwal, samahan, tanggapan, institusyon, o ahensiyang pampamahalaan o pribadong sektor na may ambag sa pagpapayabong ng wikang Filipino.

Kasama rin sa mga ipinagpaliban ang “Pamadayaw,” “Kabataan Ambásadór sa Wika,” “Timpalak Jacinto,” KWF Travelling Exhibit 2020 at Tertulyang Pangwika grant.

Siniguro naman ng komisyon na magpapatuloy ang pananaliksik sa wikang Filipino sa gitna ng pandemya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.