(Photo courtesy of Jerry Gracio.)

NAGBITIW na si Jerry Gracio bilang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, dahil sa mariing pagtutol niya sa mga patakaran ng pamahalaang Duterte.

Binigyang-diin ni Gracio na ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Act of 2020 at ang pagbasura ng Kongreso sa hiling na prangkisa ng ABS-CBN ang nag-udyok sa kaniya para tuluyang iwan ang kaniyang puwesto. Naging manunulat si Gracio para sa ilang palabas ng nagsarang TV network.

“Hindi ang mga kasama sa Komisyon ang dahilan, kundi ang mga patakaran ng mismong pangulo (Rodrigo Duterte). Mahirap namang patuloy na maglingkod sa ilalim ng Tanggapan ng pangulo kung hindi ka na umaayon sa [kaniyang] mga patakaran,” wika ni Gracio sa isang panayam sa Varsitarian.

Dagdag pa niya, hindi na niya kayang magsilbi sa isang “pasistang” gobyerno.

(Photo grabbed from Jerry Gracio’s official twitter account.)

Nagbitiw sa puwesto si Gracio, komisyoner sa mga wika ng Samar-Leyte sa KWF, noong ika-11 ng Hulyo.

Ayon pa sa kaniya, napilitan na lamang siyang gawin ang kaniyang tungkulin dahil walang itinalagang kapalit sa kaniya sa kabila ng ilang beses na pagpasa ng liham ng pagbibitiw sa puwesto.

“Palala nang palala ang sitwasyon natin, dahil na rin sa pandemic. Hinayaan natin ang impunity nang magsimula ang tokhang, kaya mas lalong lumala ang kalagayan natin sa gitna ng pandemic,” wika niya sa Varsitarian.

Sinabi rin niya na sarado ang isip ng gobyerno sa mga kritikong nagsasalita laban sa mga ginagawa nito.

Nanawagan si Gracio sa mga alagad ng wika na itaguyod ang kahalagahan ng wikang Filipino sa gitna ng “represyon at kasinungalingan.”

“Kung sinasagkaan ang kalayaan ng tao na magpahayag, ano pa ang silbi ng wika? Tandaan natin na ang pangmamaliit sa wika ay hindi lang nagaganap sa bulagsak na gamit nito,” sabi niya.

Itinalaga bilang komisyoner sa KWF si Gracio noong 2013.