NAGKUKULANG ang wikang Filipino sa mga teknikal na salita at napag-iiwanan ito sa cyberspace na kasalukuyang dinodomina ng wikang Ingles, ayon sa dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad.

Ayon kay Prof. Imelda de Castro, miyembro ng Executive Council on Culture and the Arts ng National Committee on Language and Translation, tinugunan niya ang suliraning ito sa pagbubuo ng bilingual na diksyunaryo.

“Ang naging problema natin ay tinatawag na kakulangan ng teknikal na termino upang mapasok natin ang daigdig ng cyberspace at para masabi rin natin na hindi lang ang wikang Ingles ang laging nagdodomina,” ani de Castro.

Ayon kay de Castro, may dalawang aspekto ang proseso ng modernisasyon: ang paglalawak ng bokabularyo ng wika at ang pag-unlad ng bagong estilo at mga uri ng diskurso.

Saad niya, mahalaga ang pagpapalawak at pagpapaunlad ng mga termino sa Filipino na ukol sa mga information systems upang maging mas madali ang pag-unawa ng tao sa kompyuter.

Upang mapunan ang pangangailangan ng pagsasaling teknikal sa kompyuter, kailangan ang mataas na antas ng organisasyon at codification para magbunga ng leksikograpiya na binubuo ng mga layunin.

“Ang konklusyon ng pag-aaral ko ay ang paggamit ng orihinal na Ingles na termino. Ito ay repleksyon na ang wika ng rehistrong kompyuter ay nasa wikang Ingles,” sabi ni de Castro.

Estilo sa pagsasalin

Kailangan ding pagsikapan ng isang tagasalin na alamin at intindihin ang layunin ng tekstong kanyang sinasalin upang mas maging makabuluhan ang kalalabasan ng kaniyang trabaho. 

Ayon kay John Dale Trogo, guro sa UST College of Education, mahalagang makabuo ng wastong komunikasyon sa kliyente upang makalathala ng de-kalidad na pagsasalin.

“Ang pagsasalin, hindi lang tinitingnan ang produkto o salin mismo kundi ‘yung proseso o serbisyo ng pinagdaanan ng isang kliyente para makuha niya ‘yung kanyang pangangailangan dito sa kanyang dokumento,” wika ni Trogo.

Aniya, kinakailangang malinaw at tumpak ang ideya ng isinalin na dokumento. Mas lalo umano itong mapapadali kapag mayroong style guide o estilo ng pagsulat kung saan ibabase ang pagsasalin.

“[W]alang standard na pamantayan sa pagsasalin sa bansa. Wala pang pangmalawakan po na pag-oorganisa ng mga tagasalin sa Pilipinas… hindi pa kilala ang pagsasalin sa iba’t ibang industriya, ‘yung kamalayan ng mga kliyente ay hindi rin ganun kalalim,” sabi niya.

Gayunpaman, matutugunan daw ang mga suliraning ito kapag nagkaroon ng kolaborasyon ang kliyente at tagasalin para mapalawak ang kaalaman nila at maipalaganap ang serbisyong pagsasalin sa iba pang sektor. 

Nagsalita si de Castro at Trogo sa huling webinar ng Salintasan 2021 noong ika-28 ng Mayo, na idinaos sa pangunguna ng UST Sentro ng Salin at Araling Salin. Samantha Nichole G. Magbuhat

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.