OPISYAL nang gagawing Lapulapu ang pagbaybay sa pangalan ng bayani ng Mactan sa bisa ng bagong batas.

Sa nilagdaang Executive Order 152, aalisin na ang gitling sa gitna ng umuulit na pangalan ng kilalang datu upang maging “Lapulapu” imbis na “Lapu-lapu”.

Ayon sa nilalaman ng batas, papalitan ng bagong pagsasatitik ang lahat ng sangguniang tumutukoy sa bayani ng Mactan maliban sa mga pangalan ng lugar na naisabatas katulad ng Lapu-Lapu City sa Cebu.

Inuutusan ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na kupkupin ang pagbaybay na ito habang inaanyayahan ang pribadong sektor na gamitin din ito upang magkaroon ng pagkakapareho sa gagamiting pagbaybay.

Sang-ayon sa pagbabago si Antonio Hila, program lead ng Kasaysayan sa UST Graduate School, sapagkat mayroon itong primaryang sanggunian mula sa kasaysayan.

“[I]to naman talaga ang tawag sa bayani ayon sa mga records. Ito rin ang tawag ng mga bayani natin [kay Lapulapu] sa panahon ng Kastila, nila Rizal at Luna,” wika ni Hila sa isang panayam sa Varsitarian.

Sa kabila nito, pinuna ni Hila ang batas sa dahilang dapat din daw binigyang pansin ang mismong Labanan sa Mactan at ang pagtatama sa mga maling kaalaman tungkol dito.

What is important is the battle, maraming kasing kuro kuro tungkol sa labanan [sa Mactan]. Pinatay daw ni Lapulapu si Magellan pero hindi naman talaga kilala kung sino ang nakapatay… Sa history, you don’t speculate,” dagdag ni Hila.

Para naman kay Mark Angeles, nagtuturo ng kritisismong pampanitikan mula sa UST Departamento ng Filipino, nararApat na baguhin ang pagbaybay sa pangalan ng bayani ngunit pinuna niya ang kakulangan nito ng leksikal at semantikong elaborasyon.

“Halimbawa, bukod sa [halos] kapangalan nito ang isang uri ng isda–na naging joke pa nga, dahil kusinero raw ang pumatay kay Lapulapu–nariyan din ang isang uri ng kugon,” wika ni Angeles sa Varsitarian.

Iisang baybay at pagtatama sa nakasanayan

Malinaw na layunin ng batas na bigyan ng iisang pagbaybay ang pangalan ng bayani na tugma rin sa mga tala ng kasaysayan.

Paliwanag ni Hila na bunga raw ng pagtuturo ng mga Kastila ang nagsanhi ng pagbabago sa pangalan ng bayani, nagkaroon ng pagsulong sa wika at tuluyang napalitan ang orihinal na “Cilapulapu”.

“Nagbago na lang sa paglipas ng panahon… ang mahalaga kasi ay ang tunog. Style lang [ang gitling] sa pagsulat, unless you say ‘Lapu gitling Lapu’. Dahil naman sa narinig ng mga Kastila, ang ‘ci’ naging ‘si’. Base sa narinig nila, ito na ‘yung tinuro nila,” ani Hila.

Sinangayunan din ito ni Angeles kung saan nagmula ang pagbabagong ito sa mga nagsalin ng akda ni Antonio Pigafetta, ang tagatala ng paglalayag sa Cebu kasama si Ferdinand Magellan, at pati na rin sa pasalin-dila na pagkuwento.

Giit ng dalawang dalubhasa, mahalaga ang pagbabagong ito sa pagkilala sa bayani ng Mactan.

“Para may uniformity, [mas] makikita na mahilig [ang mga ninuno natin] sa mga paulit-ulit na salita. Respeto na rin para sa bayani ang paggamit ng pangalang [tugma] sa kasaysayan,” paliwanag ni Hila.

Ani Angeles, dapat lang na itama ang nakasanayan dahil ideolohikal ang diskurso ng wika bilang bahagi ng dekolonisasyon ng ating kamalayan at kasama rito ang pagsusuri sa kung paano tinatrato ng mga opisyal ng gobyerno si Lapulapu.

“Kung dini-distort ang konsepto ni Lapulapu, ng mismong mga nagtatakda kung ano ang dapat sundin, paimbabaw ang pagtatama ng kasaysayan, kung hindi man isang uri ng manipulasyon,” diin niya.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas noong ika-siyete ng Disyembre at may kaugnayan din sa paggunita ng 2021 Quincentennial Commemorations ng Filipinas, kung saan ginugunita din ang tagumpay sa Labanan sa Mactan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.