Nanawagan ang isang dalubhasa na magkaroon ng eksaminasyon sa pagsasalin upang maging propesyonal ang larangan na ito.
Ayon kay Rolando Bernales, pribadong abogado at manunulat na pinarangalan ng Gawad Palanca, kapansin-pansin na mayroong propesyonal na eksaminasyon para sa mga guro, doktor, abogado, at iba pang mga larangan, ngunit wala para sa mga tagasalin.
“Sa America ay may American Translators Association exam, mayroon din silang US State Department Examination para sa mga tagasalin [na] nais magtrabaho sa gobyerno. Walang [ganoon] sa Pilipinas para sa mga propesyonal na tagasalin,” wika ni Bernales.
Paliwanag ni Bernales, ito ay dahil sa kawalan ng sangay ng pamahalaan na mayroong mandato para sa mga tagasalin.
Aniya, hindi nakasaad sa mga batas na nagtatag sa Komisyon sa Wikang Filipino, Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, at Komisyon sa Regulasyon ng mga Propesyon ang mandato upang magpatupad ng eksaminasyon para sa mga tagasalin.
Iminungkahi ni Bernales ang pag-amyenda ng batas upang madagdag ang mandatong ito sa PRC.
“Hindi pa rin saklaw ng PRC ang propesyong pagsasalin sa ilalim ng kasulukuyang batas. Ang solusyon kung gayon ay i-lobby sa kongreso ang pag-aamyenda ng batas,” wika ni Bernales.
May pag-usad naman sa larangan ng pagsasalin sa trabaho, mga organisasyon, at sa edukasyon, ngunit kailangan pa ring lagpasan ang suliranin ng kawalan ng propesyonal na eksaminasyon dito, aniya.
Pagsasabatas ng propesyonalisasyon sa pagsasalin
Ipinaliwanag ni Dr. Maria Minerva Calimag, dalubguro sa Fakultad ng Medisina at Pagtitistis ng Unibersidad, na pumapatungkol ang pag-lobby sa proseso ng paghingi ng aksyon mula sa isang pamahalaan o internasyonal na organisasyon.
Aniya, mahalagang mag-ingay ukol dito upang higit na makahikayat ng suporta at makabuo ng koalisyon kasama ang iba pang mga organisasyon.
“Yung mga mambabatas, nakikinig ‘yan. Ngayon ang pinakamagandang okasyon kasi kahahalal lang nila. Mag presscon tayo, magsalita tayo sa radyo, sa TV para sa usaping ito. Tapos syempre babalangkas na rin tayo ng ating mga position statements,” diin ni Calimag.
Babala niya na dapat bantayang maigi ang mga batas upang mapanatili ang esensya ng mga adhikain.
“Minsan nag-usap na pero hindi pa rin [ito] maipasok tapos biglang last minute, [kapag] pinirmahan na biglang may isisingit na iba. Ibig sabihin importante rin ‘yung tutukan ito. Pero minsan nasisingitan talaga kahit tutok na tutok ka na,” wika ni Calimag.
Nagsalita sina Bernales at Calimag sa webinar na “Kasalin 2022” noong ika-25 ng Hunyo, na idinaos sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino – Sangay ng Salin at ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin. M. G. Gabriel