PINARANGALAN ang pagsasalin ng isang Tomasinong propesor sa kauna-unahang Timpalak Mario I. Miclat sa Pagsasalin ng Filipinas Institute of Translation (FIT).
Pinangalanang pinakamahusay ang salin ni Alvin Ringgo Reyes, kawaksing dalubguro sa Departamento ng Filipino ng Unibersidad, sa unang limang kabanata ng “Kokoro,” isang nobelang Hapon na isinulat ni Natsume Soseki.
Layon ng timpalak na bigyang-halaga ang panitikang Asyano sa pamamagitan ng pagsasa-Filipino ng mga piling akda ng mga kilalang awtor.
Sa isang panayam sa Varsitarian, ikinuwento ni Reyes ang kanyang paghahandang para buuin ang saling nagwagi mula sa 23 na kalahok.
“Una ang pagbasa ng nobela para magkaroon ng ganap na pangmalas sa banghay, tono, estilo ng may-akda, talasalitaan, at iba pa. Mula dito, dinetermina kung ano ang magiging diskarte sa pagsasalin gaya ng teoryang pagbabatayan, mga sangguniang kakailanganin, at iba pa,” wika niya.
Ayon kay Reyes, naging hamon ang pagsasalin ng mga terminong kultural sa paraang mauunawaan ng mga Pilipinong mambabasa, katulad ng rickshaw, stupa, at ang paglalarawan sa mga bahay sa tabing-dagat.
“Naging gabay ko rito ang teoryang foreignization at domestication ni [Lawrence] Venuti na nagtatakda kung kailan pananatilihin ang pagkadayuhan ng orihinal na teksto at kailan naman ito bibigyan ng pagtutumbas na tugma sa lokal na sensibilidad,” paliwanag niya.
Iginiit ni Reyes na mahalaga ang pagsasalin ng mga panitikang tulad ng “Kokoro” upang mas maunawaan at makilala ang kapuwa sa mas malaking pamayanan.
“Sa pagsipat sa akdang ito, lalong tatalas ang kakayahan nating magsuri ng mga pandaigdigang literatura,” wika niya.
Tumanggap siya ng tropeo, sertipiko ng pagkilala, at koleksiyon ng mga aklat.
Inatasan si Reyes na ipagpatuloy ang salin sa buong nobela na inaasahang mailalathala sa 2023.
“Isa itong malaking karangalan at hamon. Nasasabik na akong mabuo ang salin ng nobela at maihatid ito sa mga mambabasang Pilipino […] Sa pagtugon sa kahingian ng wika at ng tagpuan, kailangan ko ng marami-raming saliksik at pagsangguni sa mga eksperto,” wika niya.
Isinagawa ang parangal noong ika-30 ng Setyembre sa pangunguna ng FIT, kaugnay ng kanilang seminar na “Pagsasalin at Pagpaplanong Wika,” bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw sa Pagsasalin.