TAHIMIK na mga silid-aklatan. Mga espasyong tila disyerto at walang laman. Isang napakalungkot na atmospera. Ito ang kalagayan ng UST sa dalawang taon ng pandemya—kakaiba kumpara sa masiglang estado nito na nakasanayan ng lahat. Kung ikaw ay umapak sa loob ng Unibersidad sa mga araw na ito, ang tanging maririnig lamang ang kaluskos ng mga dahon na sumasabay sa hampas ng hangin. 

Ang mga atleta na dating nagsasanay sa napakalawak na field, mga propesor na nagsisilbing liwanag sa mga silid-aralan, at mga estudyanteng masayang nagtatawanan habang bumibili sa carpark, naging tila malalayong tinig at memoryang umaalingawngaw.

Sa loob ng dalawang taon na iyon ay tila natigil rin ang karaniwang tradisyon ng mga Tomasino tuwing Kapaskuhan. Sa halip ay nasa kanilang mga tahanan ang bawat isa, umaalinsunod sa mga quarantine protocols ng gobyerno. May mga estudyante na sa loob ng dalawang taon ay kasama ang kanilang pamilya para sa selebrasyon ng Pasko. Mayroon namang mga umuwi ng probinsya, at mayroon ring mga Tomasino na naisipang magbakasyon sa ibang lugar noong lumuwag ang mga restriksyon. 

Iba’t ibang selebrasyon, iba’t ibang gawain, at iba’t ibang paraan upang ipagbunyi ang Kapaskuhan. Ngunit sa kabila nito, lahat ay nagbabakasakali, nagnanais, at naghihintay—inaasam muli ang panunumbalik ng dating saya sa Unibersidad.

Dalawang taon na ang nakalipas. 

Sa wakas, malalasap na rin natin muli ang Paskong Tomasino.

Noong ika-2 ng Disyembre, ipinagbunyi ng Unibersidad ang kapanapanabik na Agape 2022 — kauna-unahan mula nang pumutok ang pandemya na isinagawa sa loob ng kampus. Ito ang naging pambihirang pagkakataon upang makapag-tipon-tipon muli ang mga estudyante, propesor, administrador at tauhan ng UST para tunghayan ang kumikislap na ilaw na nagbibigay-liwanag sa mga nakapaligid na dekorasyon at ang awit ng koro.

Makikita rin muli ang sorbetes ni Santo Tomas na naglilibot sa loob ng paaralan, at ang napakalaking entablado kung saan tumutugtog ang mga banda. 

Nakatataba ng puso na makitang masaya at nandirito muli ang lahat. Tila bumalik ang dating UST bago ang pandemya—isang unibersidad na puno ng buhay at sigla—na walang sawang pinagkukuhanan ng litrato, at ang maligayang pamamahagi ng pagkain sa bawat Tomasino.

Natapos ang gabing puno ng hiyawan nang bigyang-patikim ang lahat sa isang fireworks display na mas magarbo at matagal sa Paskuhan Concert noong Disyembre 19. 

Para sa nakararami, ito ang unang pagkakataon na mararanasan ng mga estudyante ang tunay at kumpletong Paskong Tomasino na hindi lamang mapapanood sa kanilang mga gadyet. Hindi na lamang ito kuwento ng mga ate at kuyang nasa mataas na baitang—mga kwentong puno ng pananabik sa mga alaala ng dating Paskuhan. 

Pagkatapos ng dalawang taon ng pag-aasam, totoo at nandirito na nga tayo.

Ngayong nalalasap na ng mga baguhan ang selebrasyon na puro istorya lamang dati, maaari nang pag-sang-ayunan ng lahat: anuman ang paraan ipagdiwang ang kaarawan ni Kristo, wala pa ring hihigit sa tamis ng Paskong Tomasino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.