ISANG susi ang pagtatampok ng panitikan sa mga pahayagan para pagbuklurin ang mga Pilipino ngunit malaki ang balakid para makamit ito, ayon sa isang manlilimbag.

“Malayo pang mangyari ito dahil ang bawat pahayagan ay may kaniya-kaniyang estilo at pinupuntiryang merkado. Naroon din ang kompetisyon,” wika ni Nelson Santos, pangulo ng Publishers Association of the Philippines Inc., noong ika-12 ng Abril sa ikalawang bahagi ng mga serye ng webinar ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan.

Dahil moderno na ang panahon, sa online na makikita ang karamihan sa mga pahayagan at babasahin.

Patunay dito ang “Digital News Report” ng Reuters Institute for the Study of Journalism noong 2022 kung saan 88 porsyento ng mga Pilipino ang kumukuha ng impormasyon online at 73 porsyento naman sa social media.

Obserbasyon ni Santos, tila naglalaho na ang interes sa panitikan sa mga pahayagan.

“Ang salarin ay ikaw dahil hindi mo tinangkilik ang pahayagan, dahil ang talento ng mga manunulat ay hindi mo binabasa kaya hindi na rin sila nagsusulat, at dahil hindi mo ibinabahagi ang iyong akdang pampanitikan sa pahayagan,” aniya. 

Sa kabila nito, para kay Santos, hindi dapat isantabi ang mga pahayagan dahil sa naging papel nito sa kasaysayan.

“Nariyan ang El Heraldo De La Revolucion na […] naging pangunahing tinig ng kilusang propaganda para sa mga kailangang reporma sa Pilipinas noong panahon ng Espanyol,” wika niya.

Mahalaga umano ang gampanin ng mga naglilimbag at may-ari ng mga pahayagan sa pagpapayabong ng panitikan. 

“Kinakailangan na maglaan ang mga pahayagan ng sapat na espasyo sa panitikang Pilipino [sapagkat] masasaliksik natin ang iba’t ibang mensahe na magiging daan sa ating pagkakaisa,” giit ni Santos. 

Hinimok din niya ang iba pang mga sangay ng lipunan tulad ng pamahalaan at paaralan para itaguyod ang panitikan sa mga pahayagan. Julius I. Pontillas

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.