“SA TOTOO lang po, pritong manok, pansit Malabon at pork shanghai ang ipinunta ko rito,” mahinang bulong ko sa sarili matapos akong maalimpungatan dahil sa tawag ng aking lola. Ika-apat ng Abril ngayon at ika-50 kaarawan ng Tiya Aleth, pang-anim na kapatid ng aking tatay. Mahilig magdaos ng iba’t ibang okasyon ang aking lola kaya naman nakagisnan na rin ng aking pamilya na umuwi sa Tanauan, Batangas, upang makipagdiwang. Ngunit malayo sa aking inaasahan ang dinatnan kong handaan.

Akala ko mapupuno ng naglalakihang lobo, magagarbong palamuti, at nagkikislapang ilaw ang aming asotea. Inaabangan ko rin ang malakas na tunog ng radyo at tinig ng mga taong damang-dama ang pagkanta sa karaoke. Sabik din akong makita ang three-layered chocolate cake na hindi puwedeng mawala kapag may nagdiriwang ng kaarawan. Ngunit imbis na makukulay na dekorasyon, puting kurtina, simpleng altar na may nakapatong na imahen ni Hesus, pitong kandila, at himig ng mga senior citizens ang bumungad sa akin.

“Apo, ikaw naman ang sumabay sa amin,” sambit ng aking lola. Natigil ako sa pagmumuni-muni at tila natuyo ang aking labi dahil sa kaba. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa aking lola na wala akong ideya kung tungkol saan at paano sambitin ang Pabása ng Pasyon.

Pabása bilang wika ng pananampalataya

Ang panahon ng Kuwaresma ay nagsisilbing paghahanda ng mga Katoliko sa pagdurusa, pagpanaw at muling pagkabuhay ni Hesukristo na nagsisimula sa Miyerkules de Ceniza o mas kilala sa tawag na Miyerkules ng Abo at tumatagal ng 40 araw at gabi, kasing-haba ng pagdarasal at pag-aayuno ng Anak ng Diyos sa ilang.

Inilalarawan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang Pabása bilang “isang epikong tula sa mga saknong ng limang linya na may walong pantig” na nagsasalaysay ng buhay ni Hesus. Isa ito sa mga instrumento ng Simbahan para ipalaganap ang Salita ng Diyos.

Nitong Abril, mapalad akong nakadalo sa lektura na pinangunahan ni Fr. Ivan Paul Abando, O.P. na pinamagatang “Explorations of Filipino Spirituality: Affective Meditation in the Pabása Devotion.” Ang tradisyong ito ay hindi lamang simpleng pagsasalaysay ng pasyon ni Hesus, ngunit manipestasyon ng sariling panaghoy ng mga deboto.

Dagdag pa niya, ang Pabása ay nagbibigay-inspirasyon sa mga deboto dahil isa itong personal at espirituwal na karanasan na pinapalakas ng wikang Filipino.

Natatanging tradisyon sa Tanauan

Pagsapit ng madaling araw, maririnig mo na ang yabag ng lupon ng mga senior citizens papasok sa aming garahe at ang pagbuklat nila sa kanilang mga libro, hudyat na sisimulan na ang Pabása. Sa Tanauan, hindi lamang oras ang itinatagal ng isang Pabása. Minsan, umaabot ito ng isang buong araw pero madalas tumatagal pa ito ng isang linggo. Hindi ko tuloy mapigilang humanga sa dedikasyon at sigasig ng mga gumagawa nito.

Isa sa mga hinahangaan ko ay ang kapatid ng aking lola, si Ulpiana Panghulan-Cavin, o mas kilala sa tawag na Kakang Upeng. Halos puti na ang lahat ng kaniyang buhok at kapansin-pansin na ang mga kulubot sa kaniyang balat. Gayunpaman, boses pa rin niya ang nangingibabaw sa tuwing sila’y umaawit.

Nagsimulang magbasa ng Pasyon si Kakang Upeng, 72, noong siya’y walong taong gulang pa lamang. Tinuruan umano siya ng mga magulang at kapatid niya paano gawin ito.

Dahil sa hirap ng buhay, ginugugol ni Kakang Upeng ang kaniyang buhay bilang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Switzerland at doon nakapangasawa siya ng isang Swiss. Kuwento niya, hindi raw uso roon ang Pabása, kaya, sa isip-isip ko, sabik na sabik siyang sumali dito pagbalik ng Filipinas dahil ilang taon niyang ginunita ang Mahal na Araw nang hindi nagagawa ang ritwal na ito.

Pabása bilang pamana

Ang tanging kasapi sa mga Pabása na hindi pa senior citizen ay si Sophia Margaret Maranan, o Tiya Peng, 43, ang nag-iisang anak ni Kakang Upeng. Natutuhan niya ito noong siya’y nasa ika-anim na baitang dahil parte siya ng koro ng Simbahan at naririnig na niya ang mga matatandang kantoratawag sa mga nagpa-Pasyon sa aming baryo.

Naantig si Tiya Peng sa tono, proseso, at mensahe nito, kung kaya’t ninamnam na niya musmos pa lang ang mayamang tradisyon ng Pabása.

Naiiba umano ang Pabása sa aming baryo ng Banjo West dahil higit na nangingibabaw ang tradisyonal na gawi ng pagbasa nito gamit ang sinaunang tono na kaniyang nakagisnang gamitin.

Kumpiyansa si Kakang Upeng na matututunan ito ng mga kabataan sa aming lugar.

Pero napakamot ako sa ulo at napatanong, “Meron pa bang may gustong matutuhan ito?” Kung ako kasi ang tatanungin, nahihiwagaan ako paano nila nagagawang kumanta ng dasal ng sabay-sabay na tila ba hindi sila napapagod.

Nitong nakalipas lamang na Pabása, hindi ko mapigilang mapansin na paunti nang paunti ang bilang ng mga nakikilahok. Dati, halos mapuno ang aming garahe sa dami ng mga taong nakikiawit. Pero ngayon, halos hindi hihigit sa 20 ang sumama. Biro ng aking mga tiyahin, ako na lang daw ang sumali, kasama ang aking mga pinsan, pero alam ko na wala ni isa sa amin ang nakakaalam kung ano gagawin. Ngumiti na lamang ako sa kanila nang may pag-aalinlangan.

Kahanga-hanga sigurong maging parte ng isang espesyal at relihiyosong tradisyon. Pero magpakatotoo na tayo: Hindi ko alam kung paano makikiisa rito. Sa lahat kasi nang nakikita ko na sumali sa Pabása, si Tiya Peng na ang pinakabata.

Bigla akong nakaramdam ng takot. Nakakapanghinayang isipin na wala nang masyadong kabataan ang may interes na magtuloy ng Pabása dito sa aming baryo. Baka mamatay ang tradisyon kung walang sasalo nito.

Handaan lamang talaga ang ipinunta ko rito, pero imbis na pantawid-gutom ang aking intindihin, pinili ko noong araw na iyon na tumabi sa aking lola at pakinggan sina Tiya Peng. Alam kong wala ako sa tono nang sumabay ako sa Pabása, pero ibang sarap at busog sa pakiramdam ang malaman na puwede palang matuloy ang kinagisnan sa aming asotea kung gugustuhin ko lamang.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.