DAHAN-DAHAN akong sumilip sa garahe kung saan makikita ang malaking ihawan ng barbecue sa gitna.

“Sakto, walang nakabantay,” bulong ko sa sarili habang nakangisi. Pinagkiskis ko ang aking dalawang palad bago naglakad nang nakakuba papunta roon upang hindi mapansin ng mga tao.

Malaki ang bahay ng pamilyang pinakikisamahan ko.

Kahit na inokray-okray nila ang aking una at napakagandang tirahan sa lupa noong binuhusan nila ng semento ang lote, hindi ko magawang umalis dahil naeengkanto ako sa kanila.

At syempre, dahil may libreng pagkain.

Madalas ay walang nakatira sa bahay na ito, puwera na lamang sa isang matandang babae na tinatawag nilang Nanay Beba. Siya ang madalas kong kasama na naiiwan dahil wala na itong trabaho. Minsan, nararamdaman kong nalulungkot siya pag mag-isa itong nagtatahi sa kaniyang tumba-tumba. Kaya naman sinasamahan ko siya sa lahat ng pagkakataon at umuupo sa kaniyang tabi. Hindi nga lang niya alam.

Nagkakaingay na lamang, tulad ngayon, tuwing sumasapit ang buwan ng Disyembre. Sa panahong ito kasi umuuwi ang kaniyang mga anak.

Isa sa mga miyembro ng pamilya na inaabangan ko palagi ay si Maria, na magandang dilag na nakakaakit. Mahaba at itim na itim ang kaniyang buhok, habang kasing-kulay ng kaniyang balat ang banakal ng puno ng balete.

Madalas ko yata siyang nauusog kaya naman sakitin at minsanan lang ito lumabas tuwing bumibisita. Hihi, ‘di ko kasalanan ‘yon, ang ganda niya eh!

Kanina ay nakita ko siya sa kanilang sala, kasama ang maiingay niyang pinsan na binubuksan ang mga balikbayan box na dala ng isa nilang tito. Kakarating lang nila kaninang umaga nang gambalain nila ang masarap kong tulog. Mga tao nga naman.

Ngunit kahit na maingay at madalas na nasisira ang bagong bahay ko sa hardin dahil sa mga makukulit na bata na nagtatagu-taguan, tila masaya pa rin ako pag sumasapit ang buwang ‘to.

Tuwing Disyembre kasi ay nagdiriwang ang pamilya na may samu’t saring putahe akong naaamoy mula sa kusina. Sa nasilip ko kanina, mayroong spaghetti, lumpiang shanghai, sisig, letsong baboy, at puto. Mayroon ding mga makukulay na banderitas, parol, at ilaw na nakasabit sa buong tahanan. Parang piyesta!

Sa labas naman ng bahay, makikita ang mga batang naglalaro ng tumbang preso kasama ang iba pang mga kabataang bisita. Puro hiyawan at nagliliparang mga tsinelas ang makikita sa kalsada. Minsan, gusto ko sumali. Ang banong maglaro ng iba, eh.

Maririnig rin ang malakas na tugtog ng mga kantang Pinoy mula sa karaoke, pati na rin ang masasayang kwentuhan at tawanan ng mga tao.

Dahil nababalot sila ng kasiyahan, walang nakakapansin na palapit na ko nang palapit sa barbecue na iniwang nakasalang saglit sa ihawan para maluto.

Sa isang talon lamang ay nakakuha agad ako ng tatlong piraso. Tagumpay! Mabilis akong tumakbo pabalik sa hardin.

Sakto naman na lumabas mula sa pintuan si Nanay Beba, na dahil sa lakas ng kaniyang boses ay tumatayong pinuno ng pamilya. Puti na ang karamihan ng kaniyang buhok at may suot siyang salamin dahil lumalabo na ang kaniyang mga mata.

Siya talaga ang pinaka-paborito ko sa pamilyang ito. Masasarap kasi ang mga luto niya, at kailanman, hindi niya nakakalimutang magsabi ng “tabi-tabi po” pag nagwawalis sa hardin.

Nang nakalapit siya sa iniihaw na barbecue ay biglang kumunot ang noo nito nang mapansing kulang na ang kaniyang niluluto. Nako, masaya ito! Mukhang alam ko na ang susunod na mangyayari.

“Andreas!” ang demanda nito sa apo na kapapasok lang ng garahe kasama ang mga pinsan.

“Kumuha ka na naman ba ng barbecue?! Ay ‘sus ka talagang bata ka, pang-ilan mo na ‘to!” pagalit nitong sambit habang nakapamewang.

“Ha?” napakamot ng ulo ang bata. “Wala akong kinain, pramis! Baka malabo na naman mata mo ‘nay at namali ka ng bilang?”

Isang lumilipad na tsinelas ang sumalubong sa bata.

“Hehehe!” hagikgik ko habang kinakain ang barbecue na tila ba ako’y nasa sinehan para sa mga duwende.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.