HINDI balakid ang kahirapan at kapansanan para tulungan ang sarili na umahon mula sa laylayan at ipagpatuloy ang buhay. Kahit 18.1 porsyento ng mga Filipino ang patuloy na namumuhay sa ilalim ng poverty threshold, o ang minimum na kita ng isang pamilya sa isang araw, ayon sa Asian Development Bank noong 2021, makakarinig ka pa rin ng mga kuwento ng pagsisikap para makawala sa tala na iyan.

Isa na rito si Ate Lyn, 24, isang dalagitang Mangyan mula Sitio Basal sa Baco, Oriental Mindoro, na nakilala ko noong 2018 nang napasama ako sa programang “Pakikipamuhay at Paglilingkod” ng Missionaries of God’s Love (MGL) at Parokya ni San Benito sa Don Antonio, Lungsod Quezon. Layon nitong makipamuhay at maglingkod sa mga hindi gaanong naaabot ng Simbahan tulad ng mga katutubong Mangyan. Nagsimulang gawin ito ng MGL at Parokya ni San Benito, sa Mindoro, noong 2013 pero patuloy silang nagpatalon-talon sa mga probinsiya ng Rizal, Quezon, at Pampanga. Mga pari ng MGL at San Benito ang pangunahing nag-oorganisa ng programang ito na mga kabataang edad 18 pataas ang pinasasali.

Ang pamilya ni Ate Lyn ang na-assign sa akin sa loob ng dalawang linggo. Napansin ko kaagad ang kaniyang malaking ngiti pero hindi ko maiwasang isipin kung bakit lagi siyang nakaupo at nakahiga lamang sa isang sulok ng kanilang tahanan. Lumalabas lamang siya ng bahay kung siya’y bubuhatin ng kaniyang ama o kuya. Tinanong ko sa kaniyang inang, o “nanay” sa Mangyan, kung ano ang sitwasyon niya. Doon ko napag-alaman na hindi na pala siya nakalalakad dahil sa kondisyon ng kaniyang mga paang hindi na natukoy kung ano dahil wala silang pambayad sa health center o ospital. Kilo-kilometro rin kasi ang layo ng mga pasilidad na ito mula sa kanilang bahay.

Ang mga magulang ni Ate Lyn ay kapwa mga katutubong Mangyan na kinalakihan ang pagtatanim bilang hanapbuhay nila. Madalas, hindi sapat ang kinikita nila upang makatikim man lang ng sardinas o itlog. Dahil dito, pinagtitiyagaan na lamang nila ang paulit-ulit na pagkain ng kamote o saging. Kaya naman Pasko nang maituturing kina Ate Lyn kung sila’y magka-bigas dahil mahal na ito para sa kanila. Tumigil na rin ang dalagita sa pag-aaral dahil bukod sa wala silang pantustos, malayo rin ang paaralan mula sa kanila.

Maraming dahilan si Ate Lyn para sumuko na lang sa buhay. Pero hindi naalis sa kaniya ang pagiging masayahin at ang paghahangad na matupad ang mga pangarap niya sa buhay, kahit sa limang taon na hindi ko siya nakita ay dumaan na ang pandemyang sumira sa takbo ng buhay ng mga Filipino. Nilumpo man siya ng katotohanang hindi na siya makalalakad pa, hindi naman ito naging dahilan upang huminto at mapanghinaan ng loob. Bagkus, mas marami pa siyang kayang gawin at ginagawa.

Aksesorya

Nang dumalaw ulit ako sa kanila nito lang Hulyo, nadatnan ko si Ate Lyn na gumagawa ng mga bracelet at kuwintas na may iba’t ibang disensyo at kulay. Minsan, lumilikha siya ng mga espesyal na produkto para sa mga taong bumibisita sa kanilang sitio. Dalawang-daang piso ang benta niya sa bawat accessory na ginagawa niya mula isa hanggang tatlong araw dahil binibili pa nila ang beads sa lungsod ng Calapan.

Ang kaniyang ina ang nagturo kung paano dahan-dahang pinagbubuklod-buklod ni Ate Lyn ang mga beads para makabuo ng mga kalidad na produkto. Personal kong nasaksihan ang husay ni Ate Lyn na tila siya lang sa kanilang pamayanan ang nakagagawa nito.

Isang beses, habang nagtatrabaho siya, nagkuwentuhan kami kung ano ang mga nais niyang matupad sa buhay. Sabi niya, gusto niya makapagtapos ng pag-aaral at makapaglibot sa iba’t ibang pasyalan sa bansa. Hindi nga lang niya magawa dahil wala pa siyang sapat na pera. Hindi pa rin siya nabibigyan ng atensiyong medikal.

Sa pagkakataong iyon, naalala ko ang sagot ni Catriona Gray sa Miss Universe 2018 sa huling question-and-answer portion. Giit niya hinggil sa kung ano ang nagpapahirap sa mga bata, “[I]t was a lack of child support, not poverty, that killed their dreams.” Hindi ba naalalayan si Ate Lyn ng lokal na pamahalaan? Ng Department of Social Welfare and Development? O kahit ng Philippine Charity Sweepstakes Office? Kung mayroon lamang maayos at malapit na pasilidad na tututok sa kalusugan ng mga kapatid nating naninirahan sa mga liblib na lugar, mabibigyan sana sila ng malusog na buhay upang makamit ang mga pangarap nila.

Isa lamang si Ate Lyn sa napakarami pang tao mula sa kaniyang pamayanan ang nangangailangan ng atensiyong medikal. Sa pakikisalamuha ko sa kanila, nabatid kong marami sa kanila ang mayroon nang iniindang karamdaman, pero pinipili na lang nila iasa ito sa mga ritwal para gumaling. Hindi ko sinasabing mali ang alternatibong medisina, pero patunay ito na nahihirapan ang mga katutubo na magkaraoon ng akses sa modernong agham.

Bago ako umuwi pabalik ng Maynila, pinabaunan ako ni Ate Lyn ng kaniyang malaking ngiti. Binilinan niya akong mag-ingat kalakip ang kumpiyansang balang-araw, makakarating din siya sa Maynila para tuparin ang mga naudlot niyang pangarap, balewala ang kapansanang pilit lumulumpo sa kaniya at balewala ang kahirapang pilit sinusubok ang kaniyang katatagan sa buhay.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.