Napagtanto ko na kapag sasapit ang Pasko, nagiging mathematician na ang lahat.

Simula pa lang ng Setyembre, pasikreto nang nagko-kompyut ang mga tao kung magkano ang gagastusin para sa kaliwa’t kanang Christmas parties, exchange gifts at mga humihirit ng pamasko kahit limang araw na mula nang ipinanganak si Hesus.

Dahil hindi na malaman ng iba paano pagkakasyahin ang kakarampot na suweldo, sinusunod na ng iba ang isang formula kung magkano ang ibibigay sa mga inaanak para makatipid:

(Hindi si Pythagoras o Isaac Newton ang may gawa ng pormula na ito.)

Ang ibang mga ninong at ninang, nakikipaglaro ng tagu-taguan kapag walang mukhang maiharap sa kanilang mga inaanak. “Nakakahiya naman kung bente pesos lang ‘yong nasa ampao na ibibigay ko eh halos sampung taon kong ‘di nakita ang batang ‘yon,” sasabihin siguro ng isang nagtatagong na ninang.

Ang mga estudyante naman, bukod sa pera, nangangamba sa itatakbo ng kanilang mga grado. Tila hindi sila nasisiyahan na magtatapos na ang klase dahil sa Enero pa malalaman ang mga markang nakuha nila. Kaya halos hindi na matapos sa pagtitipa ng mga numero sa calculator at panay ang kuha ng posibleng maging general average.

At sinong makakatalo sa mga inang naghahanda ng spaghetti na magaling sa probabilidad? Kapag pupunta ng palengke, natatantsa nila kung ilang kilo ng giniling ang dapat bilhin na sasapat sa buong pamilya.

Wala bang papansin sa mga empleyadong natataranta kung kailan magfi-file ng leave para makapagpahinga ng mas mahaba. Dapat na bang gamitin ang vacation leave sa Dis. 23 para sa Dis. 27 na lang babangon para mag-trabaho? Baka wala na pala talaga silang leave na magagamit dahil nagamit na noong summer.

Hindi magpapahuli ang mga magkakapitbahay na hindi alintana ang sukat ng kanilang mga balkonahe at bakuran para maglagay ng mga dekorasyong pang-Pasko. At kahit pa tumaas ang babayaran sa kuryente, hindi na iyon mahalaga dahil ang importante, may ligayang dala-dala ang mga dekorasyon, lalo na sa mga bata.

‘Di tulad ng mga estudyanteng gustong takasan ang mga pormula na pumipilipit sa kanilang utak, ang karamihan sa mga Filipino ay sanay na sa sipnayan ng Pasko. Hindi lang puro 1+1 ang alam nila kapag darating na si Hesus. Diana May B. Cabalo

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.