PUNO NG papuri at pangakong pagbabago para sa mas pinag-ibayong kalidad ng edukasyon ang naging pahayag ni P. Ernesto Arceo, O.P. sa kanyang unang ulat bilang rektor ng UST noong Agosto 7 sa Medicine Auditorium.

Ibinalita ni Arceo sa kanyang 2006-2007 State of the University Lecture ang naging magandang kinalabasan ng Unibersidad sa iba’t ibang mga licensure examinations at ang pagtaas ng bilang ng mga propesor na mayroong doctorate at masteral degrees sa taong ito.

“Although we have meager resources compared to other schools, we are delivering to our students quality education as evident in the licensure exams, showing the competence of our faculty members,” ani Arceo.

Ayon kay Arceo, makikitang mas mataas ang naging passing rate ng UST sa mga pagsusulit na ito kung ikukumpara sa nakaraang taon tulad na lamang sa mga nakaraang eksamen sa Pharmacy (91 porsyento), Architecture (72 porsyento), at Nutrition and Dietetics (80 porsyento), kung saan nataasan pa uli ng UST ang national passing rate.

Ilan pa sa mga nabanggit na board exams kung saan namamayagpag ang UST ay ang sa Education (90 porsyento), Rehabilitation Science (96 porsyento), Engineering (73 porsyento), Chemistry (90 porsyento), at Law (83 porsyento).

Noong nakaraang taon din, hinirang bilang isa sa Ten Outstanding Students of the Philippines si Architecture alumnus Michael Vincent Uy samantalang nakuha naman nina Jennifer Ang at Gregory Moratin ng Faculty of Engineering ang Outstanding Delegates award sa ginanap na Ayala Leaders’ Congress.

Dagdag pa ng Rektor, hindi lamang sa pang-akademiyang aspeto mamalas ang kagalingan ng mga Tomasino. Sa larangan ng palakasan, naghari ang UST sa 12 palaro sa UAAP tulad ng Basketball (Men at Women divisions), Chess (Women’s division), Judo (Men’s division), Swimming (Women’s division), Table Tennis (Women division), Taekwando (Men at Women divisions), Baseball, Football (Men division), at Lawn Tennis (Men at Women divisions). Dahil dito, nakamit muli ng UST ang UAAP general championship; ito ay kanyang ika-34 na tropeo. Bukod dito, napanalunan muli ng Salinggawi Dance Troupe ang kampeonato ng UAAP cheer dancing competition sa ikalimang magkakasunod na taon; sa lahat-lahat, ang kampeonato ay ikawalo na ng koponan.

READ
Architecture student heads nat'l body

”We are blessed because we have good students who do well in their respective fields,” sabi ng Rektor. “This has been the outcome of the work of 400 years. The reputation of the University is not only known in the country but all over the world.”

Kamakailan naman ay binuo ni Arceo ang isang permanenteng komite para sa Student Admission na siyang mangangasiwa sa pagbabalangkas ng mga polisiya ng Unibersidad sa pagtanggap ng estudyante.

Pananaliksik

Inihayag din ng Rektor ang pagtaas ng bilang ng mga propesor na may masteral (MA) at doctorate (PhD) degrees.

Kung ihahambing sa nakaraang taon, tumaas ang bilang ng mga faculty members na may MA, lalo na sa College of Fine Arts and Design kung saan mula sa 32.18 porsyento noong 2006, tumaas ito ng 50.77 porsyento sa taong ito, at sa Institute of Religion kung saan mula sa 33.85 porsyento tumaas ito ng 53.73 porsyento.

Hindi naman pahuhuli ang Graduate School, College of Science, at Fakultad ng Sining at Panitik (AB) sa dami ng mga propesor na may PhD. Ngayong taon, 78.79 porsyento ng mga propesor sa Graduate School ang may PhD samantalang 21.85 porsyento naman ang sa AB at 24.41 naman sa Science.

Tumaas din ang bilang ng mga propesor na kabilang sa mga professional organizations kung saan mahigit sa kalahati sa mga ito ay nakikilahok sa mga consultancy work sa pangunguna ng Faculty of Medicine, na may 100 prosyentong kasapi sa nasabing gawain.

Sa usapin naman ng pananaliksik, malugod na inilahad ng Rektor ang nalalapit na paghirang sa UST bilang Center of Excellence sa larangan ng panitik, humanities, social sciences, edukasyon, kalusugan, siyensiya at teknolohiya at teolohiya.

“It is our dream that the research endeavors in the University will shift to a higher gear as we move towards our fourth centennial celebrations,” ani Arceo.

READ
Between cradle and coffin

Sa kasalukuyan, mayroon nang 10 sentro ng pananaliksik ang Unibersidad, apat dito ang bagong tatag tulad ng Center for Ethics (2002), Center for Research on Movement Science (2003), Center for Conservation of Cultural Property and Environment in the Tropics (2003), at John Paul II Research Center for Ecclesiastical Studies (2005). Sa 123 faculty researchers na naglilingkod sa mga sentro ng pananaliksik, 98 porsyento dito ay may doctorate at masteral degrees.

Ayon pa kay Rektor, maganda rin daw ang research output ngayong taon kung saan may 53 nang nailathalang saliksik sa mga professional journals, isang malaking pagtaas mula sa nakaraang 32, at halos 50 na saliksik naman ang nailathala na sa international journals.

“Having the work of Thomasians published in local and international journals is a tacit recognition of our research competence,” ani Arceo.


Virtual classroom

Ang “instructional support systems and services” at “upgraded facilities” naman ang isa sa mga ipinagmalaki ni Rektor sa kanyang ulat.

“The University is making substantial investment in the upgrading of facilities that include those that concern the improvement of our education. Quality instruction is greatly aided by facilities and services that respond to the academic demands of the students and faculty members,” wika ng Rektor.

Binanggit din ni Arceo ang ilan sa mga proyektong nais isulong ng Educational Techonology Center para sa taong ito tulad ng paglikha ng audio-visual presentation ng aktwal na paraan ng pagtuturo ng mga mahuhusay na mga guro ng UST, interactive multi-media materials para sa classroom instructions, instructional materials na magtataguyod sa teaching learning process, pagpapaibayo ng sistema ng blackboard management, at pagtaas ng kalidad ng wireless internet capability sa Unibersidad.

“The main goal of this project is to harness the potentials of technology and optimize the quality of instruction offered at the University,” ani Rektor.

READ
Sa pagtataguyod ng wikang Filipino

“We dream that one day the whole campus will be a virtual classroom where students can discuss with their professors in any part of the University,” ani Arceo.

Pinaalalahanan naman ng Rektor ang mga propesor na bagamat may mga ganitong uri ng teknolohiya sa Unibersidad, support system lamang ang mga ito upang sa pagtataguyod ng epektibong pagtuturo.

“The University has good professors whose reputation and quality of teaching can never be replaced by these technologies,” ani Rektor.

Bunga ng pagsisikap ng Unibersidad na maabot ang pandaigdigang pamantayan at mabigyan ng mahusay na edukasyon ang mga estudyante nito, umani ito ng maraming parangal mula sa mga internasyonal at lokal na ahensya.

Sa pagsusuring ginawa ng Reader’s Digest Asia sa 7,000 respondents mula sa Hong Kong, Singapore, India, Malaysia, Taiwan, Thailand, at sa Pilipinas noong Abril, lumabas na kabilang ang UST sa mga itinuturing na mapagkakatiwalaang pamantasan sa bansa, wika ng Rektor.

Nakamit ng UST ang Gold Trusted Brand award, ang pangalawa sa pinakamataas na parangal na maaring matamo ng isang institusyon.

Bukod pa rito, kabilang rin ang UST sa apat na unibersidad sa Pilipinas na nakakuha ng pwesto sa survey ng Times Higher Education Supplement-Quacquarelli Symonds, isang tanggapang matatagpuan sa United Kingdom, noong Setyembre. Nakuha ng UST ang ika-500 pwesto batay sa resulta ng nasabing survey.

Ipinagmalaki rin ng Rektor ang muling pagkumpirma ng Commission on Higher Education sa mga pang-akademikong programa ng UST tulad ng Chemistry, Philosophy, at Literature bilang mga Centers of Excellence at ng Biology bilang Center of Development.

Malayo na rin ang narating ng Unibersidad sa pagpapalawig ng estadong pang-akademiko nito kung saan 35 mula sa 43 na programa ang dumaaan na sa masusing proseso ng accreditation ng Philippine Association of Accrediting Schools, Colleges and Universities.

“Indeed, there is so much more to be done if we are to ensure quality education for our students,” ani Arceo. Kristine Jane R. Liu

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.