NAGSISIMULA ka sa isang malinis na papel. Unti-unti mo itong pinupuno ng mga salitang tila walang kahulugan sa simula. Ngunit habang tumatagal, dumarami ang mga salita at nakabubuo ka ng isang obrang mula sa puso at kaluluwa.

***

Hanggang ngayon, hindi pa rin naaalis ang pagkamangha ko sa malaking pagkakatulad ng paglikha ng isang panulat at paghubog ng isang buhay. Marahil, ito ang dahilan kung bakit patuloy pa rin akong naglalakbay, lumilikha, at sumusulat.

Tulad ng isang obra, nagsisimula rin ang buhay sa wala. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unti itong nahuhubog at nagkakaroon ng kabuuan at kahulugan.

Sa paghubog ng kahit na anong bagay, kailangang maging maingat ang manlilikha. Sa pagsulat, kailangang maging mapili ang isang manunulat sa paggamit ng mga salita. May mga salitang maganda lamang pakinggan ngunit kung susurii’y wala namang kahulugan. Samantalang may mga salita namang matalim at minsa’y nakasusugat. Sa dalawa, mas makabubuting piliin ang huli dahil sa pamamagitan nito, mas nauukit ang isang obra.

Sa buhay, kailangan namang maging mapanuri sa anuman o sinumang nais maging bahagi nito. Araw-araw nakatatagpo tayo ng mga taong higit na nagpapalawak sa mundong ating ginagalawan. Kadalasan, nagkakaroon tayo ng pagkakataong kilalanin sila nang lubusan. Ngunit minsan, mas makabubuting manatili na lamang silang mga buhay na larawang walang pangalan sa ating isipan.

Minsan, tinanong ako ng isang kaibigan. Sa tuwing binabalikan ko ang mga nalathala ko nang akda, wala raw ba akong pinagsisisihan o gustong baguhin sa kabuuan nito?

Sinagot ko siya ng isa ring katanungan. Bakit ko sisirain ang isang bagay na buo na kung maaari naman akong lumikha ng isang bago at mas mahusay na gawa?

READ
UST Botanical Garden pinasinayaan

Muli siyang nagtanong. Bakit daw nagtatapos sa paglisan ang halos lahat ng kuwentong sinusulat ko? Nangangahulugan daw ba itong galit ako sa mundo at sa buhay?

Napangiti ako at sinabi ko sa kanyang masyado ko nga yatang mahal ang mundo at ang buhay kaya mas pinipili kong ipakita ang lahat ng katotohanan tungkol dito.

Ngumiti rin siya. Nakatitiyak akong naunawaan niya ako dahil isa rin siyang manlilikha na tulad ko.

Kung buhay naman ang pag-uusapan, ganoon pa rin ang paniniwala ko. Hindi maling balikan ang nakaraan. Ngunit nararapat lang na huwag kalimutang dapat mabuhay ang lahat sa kasalukuyan at sa katotohanan. Kung mayroong pagtatagpo, mayroon ding pagwawalay. Sa kabila nito, naniniwala pa rin akong may dahilan ang bawat pagdating at ganoon din ang bawat paglisan.

Tulad pa rin ng paggawa ng isang obra, nasa kamay ng manlilikha ang kapangyarihang hubugin ang kanyang buhay. Mayroong higit sa isang bilyong salita na maaaring gamitin sa pagsulat at hindi rin mabilang ang mga pagkakataong maaaring kunin sa buhay. Ngunit hindi maaaring gamitin ang lahat ng salita at hindi rin maaaring kunin ang lahat ng pagkakataon. Kailangang pumili at nasa kamay ng manlilikha ang desisyon. Para sa akin, ito ang pinakamagandang pagkakatulad ng paglikha ng panulat at buhay. At hanggang hindi ito nagbabago, tuloy ang aking paglalakbay, pagsulat, at paglikha.

Sa ngayon, ipagpapatuloy ko ang pagsulat ng mga salitang pupuno sa mga malinis na papel dahil alam kong habang dumarami ang mga salitang ito, patuloy din akong makabubuo ng isang obrang mula sa puso at kaluluwa.

READ
Mga unang babaeng mag-aaral sa UST

***

Para sa isang kaibigang muntik nang tumigil sa paglikha, huwag mong kalimutang may kapangyarihang humubog ang iyong mga kamay. Sana’y huwag mo itong sayangin dahil hindi pa rito natatapos ang ating paglalakbay.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.