“I don’t want you to save my life. I want you to save my son’s memory of his father.” – hiling ni David Gale (Kevin Spacey) sa mamamahayag na si Bitsey Bloom (Kate Winslet), The Life Story of David Gale

***

MINSANG sinabi ng Tomasinong manunulat na si Immanoel J. de Pedro na ang hangganan ng teorya ay ang paghalik nito sa lupa.

Naalala ko tuloy ang pelikulang kamakailan lamang ay napanood ko sa klase tungkol kay David Gale, isang anti-death penalty advocate sa Estados Unidos na sa kasamaang palad (o sa kanyang sariling kagustuhan diumano ayon sa kwento) ay piniling makipagtipan kay Kamatayan upang ipamukha sa lahat na ang stereotypical na paniniwalang walang bahid ng pagkakamali ang sistema ng hustisya sa Amerika at ang pagkitil sa buhay ng isang nagkasala sa batas ay mainam na paraan upang pigilan ang paglaganap ng mga karumal-dumal na krimen sa bansa.

Paano ba napatunayan ni Gale na ang kanyang tesis kaugnay ng mga nabanggit na isyu ay tama? Itinaya niya, sampu ng kanyang mga kapanalig sa paniniwala, ang kanilang mga buhay at reputasyon sa pamamagitan ng pagkidkid at pansamantalang pagpilipit sa katotohanang pinahintulutan nila ang pagpapatiwakal ng isang kaibigang bababeng may sakit na kanser. Taliwas ito sa umano’y panggagahasa at pagpaslang na ibinintang ng mga awtoridad kay Gale ayon sa mga ebidensyang nakalap nila. Bunga nito, si Gale ay nahatulan ng kamatayan batay sa bigat ng krimen na diumano’y kanyang “ginawa.”

Bagamat ninais ng isang mamamahayag na si Bitsey Bloom na sagipin ang pangunahing tauhan mula sa kanyang scripted na kamatayan (na maituturing din na pagpapatiwakal), nabigo pa rin ito sa bandang huli dahil ang tape na naglalaman ng totoong pangyayari upang mapawalang-sala ito ay napasakamay lamang niya ilang minuto matapos ipasok sa lethal injection chamber si Gale.

READ
Sa loob ng karsel...

Sa kabila ng lahat, nakamit ni Gale at ng mga kapwa niya death penalty abolitionists ang minimithi nila – ang pagbasag sa kultura ng paghihiganti na inilalako ng nasabing batas kahit pa ang ilan sa mga maaring masagasaan nito ay pawang mga inosente. Higit sa lahat, napatunayan nila na mayroon ngang iregularidad sa sistemang nangangawisa sa pagpapataw ng nasabing kaparusahan.

Batay sa kwento, masasabing sa pagpapalawig ng prinsipyo, hindi sapat ang magsalita, simigaw o magmartsa lamang katulad ng ginawa ni Gale ‘nung una. Higit sa kahit anong teorya o ideyolohiya, mas masusukat ang katapatan ng tao sa kanyang paniniwala kung mamarapatin lamang sana niyang isabuhay ang iba’t-ibang salik nito. Hindi hinihingi ng akdang ito na humantong tayo sa pagyakap sa mga radikal na pamamaraan katulad ng ginawa ng Gale. Hangad lamang nito na paalalahanan ang mga mambabasa na hindi nadadaan sa kahit anong uri ng salita ang pagpapamalas ng sinseridad sa pagpapayabong ng paniniwala sa buhay. Mahalagang sangkap sa pagkilos ang teorya at ideyolohiya dahil ito ang humuhubog at gumagabay sa prinsipyo ng tao, subalit wala itong silbi kung hindi naman ito isinasabuhay ng tagapagpaganap. Ilang ipokrito na rin ang idinarang sa apoy ng rebolusyon. At ilang mabubuting adhikain na rin (sa rebolusyon man o sa pang-araw-araw na pamumuhay) ang nasira dahil sa mga ipokritong ito. ***

Kamakailan ay naglabas ang ehekutibo ng Central Student Council (CSC) ng isang kautusan na nagbabawal sa mga lider mag-aaral nito na magbigay pahayag sa kahit anong pahayagan, pang-kampus man o pambansa, hangga’t hindi ipinapaalam ng mga mag-iinterbyu sa CSC kung sinong lider-pulitikal at anong paksa ang gusto nilang talakayin sa pamamagitan ng isang letter of request na kinakailangan munang maaprubahan upang maiwasan ang miskomunikasyon. Ito ay batay sa Guidelines on Interviews to Local or National Publications.

READ
Inside job seen in P6-M bank heist

Sadyang hindi makatarungan ang memorandum na ito sa panig ng mga mamamahayag, maging ng mga lider mag-aaral ng CSC, partikular na ang mga pangulo ng bawat kolekiyo at fakultad sa Unibersidad sa dalawang kadahilanan.

Una, mistula nitong pinipigilan o nililimitahan ang karapatan ng mga miyembro ng Central Board na ihayag ang kanilang mga opinyon lalung-lalo na sa mga isyung may kinalaman sa kani-kanilang mga kolehiyo o fakultad.

Isang halimbawa nito ang ginawang “pananahimik” ng pangulo ng College of Fine Arts and Design (CFAD) na si Rafael Kalaw matapos magtangka ang Varsitarian na hingin ang kanyang panig o sariling opinyon bilang pinakamataas na lider mag-aaral ng kanilang kolehiyo.

Ipinaliwanag ni Kalaw na ang kanyang pansamantalang pananahimik ay bunga ng nasabing memorandum. Tanong: hindi ba’t ang ehekutibo at lehislatibong mga sangay ng CSC ay itinuturing na co-equal bodies na hindi kailanman maaaring sapawan ang isa’t-isa gamit ang kahit anong uri ng kautusan para pigilan ang isa’t-isa sa malayang pagganap ng kani-kaniyang tungkulin, maging ang pagpapahayag ng saloobin sa lugar na pinagmumulan ng kani-kaniyang kapangyarihan at soberanya bilang mga lider? Kung gayon, anong silbi ng ganitong uri ng kautusan?

Marahil isa itong reaksyon bunga ng miskomunikasyon diumano sa pagitan ng Varsitarian at ni Central Board Deputy Speaker Robby Rosales noong Hunyo tungkol sa Magna Carta. Ngunit sa itinatakbo ng mga pangyayari, tila ipinahihiwatig lamang ng executive board na mas may alam siya kaysa sa mismong lider na naka-base sa mga kolehiyo o fakultad. Kailangan pang isangguni sa kanya ang mga sasabihin ng mga ito?

Para sa kaalaman ng lahat, ang isyung nais talakayin ng Varsitarian ay may kinalaman sa grooming policies ng CFAD at walang ibang lider mag-aaral ang mas may awtoridad at pinanghahawakang psychological proximity kundi ang pangulo ng CFAD. Ang isyung nais talakayin ng Varsitarian ay isang lokal na usapin sa pagitan ng mga tagapagpatupad ng grooming policies, mga miyembro ng CFAD student council at mga mag-aaral ng nabanggit na kolehiyo.

READ
New anti-osteoporisis drug found

Kung ang argumento ng miskomunikasyon naman ang pagbabasehan, tila lumalabas na walang tiwala ang executive board sa mga miyembro ng CB sa kaso ng pagpapahayag ng mga ito ng kanilang mga opinyon.

Sa kabutihang palad, hindi lahat ng miyembro ng CB ay tumatalima sa kautusang ito. May mga miyembro rin naman na marunong manimbang katulad na lang ng pangulo ng isang fakultad na nagsabing malaki ang kaibahan ng mga isyung pang-kolehiyo at pang-unibersidad kung sirkumstansya rin lang ang pag-uusapan.

Hindi lahat ng hinog ay ikinakahon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.