LAYUNIN ng selebrasyon ng National Diabetes Month (NDM) ngayong buwan ng Agosto ang pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mamamayan ukol sa sakit na diabetes para mapigilan ang tumataas na bilang ng insidente nito.

Ang diabetes ay isang karamdaman kung saan may problema sa glucose levels ang isang tao. Maaring makuha ito mula sa magulang na may diabetes, eating habits at pangkabuoang nutrisyon. Mas may tsansang magkaroon ng diabetes ang mga overweight o obese. Ayon kay Dr. Estrellita Lopez, direktor ng St. Thomas Diabetes Center (STDC), isang dahilan ang kinakain ng isang tao sa pagkakaroon ng diabetes. Ito ay sa dami ng kinakain na matataas ang kalori na nagdadagdag sa blood-glucose level ngunit hindi nababalanse.

Sa nakaraang estatistika na ipinalabas ng Philippine Association of Diabetes Educators Foundation, apat na milyong Pilipino na ang may sakit ng diabetes. Tinatayang aabot sa 300 milyong tao sa buong mundo ang magkakadiabetes sa taong 2030.

Samantala, nagdaos ng isang mini-funwalk sa Glorietta, Ayala Center ang mga diabetic patients at medical health team para ipagdiwang ang NDM. Sinundan ito ng isang libreng blood-glucose check-up at mga lectures. Nakiisa ang University of Santo Tomas Hospital (USTH) sa pangunguna ng STDC. Ayon kay Geraldine Ann Francisco, STDC diabetes nurse-educator, nagkaroon ng libreng glucose screening at sampling sa loob ng ospital. Nagkaroon din ng libreng cholesterol testing, glyceride screening, at micro-albumin testing.

Isang lecture tungkol sa tamang pagbabawas ng timbang at sick-day guide ang ginanap sa loob ng USTH sa huling araw ng selebrasyon. Kabilang dito ang mga dapat gawin ng isang diabetic kapag maysakit tulad ng lagnat at hika.

READ
Taong '1984' sa UST?

Habambuhay ang diabetes kaya ang tanging paraan lamang upang hindi lumalala at magkaroon ng komplikasyon ay ang pagkontrol sa sakit na ito. Isang mabisang pagbalanse ng blood sugar levels ang pagamit ng insulin injections. Ginagamit ito ng mga may Type I Diabetes o Insulin-dependent diabetes mellitus (IDDM) na ang kadalasang pasyente ay may edad ng 13 pataas. May depekto sa insulin gene o ang ibang aspeto ng pancreatic b-cell ang sanhi ng kulang ng paggawa o paglabas ng insulin sa katawan na nagiging sanhi ng Type I Diabetes kaya kailangan ng pasyente ng insulin.

Samantala, isang klase din ng diabetes ang Type II o Noninsulin-dependent diabetes mellitus (NIDDM). Nangyayari ito kapag kulang at nasira ang insulin receptor sa target tissues para sa hormone, ang resulta, nababago ang transmisyon ng insulin. Hindi sa kakulangan ng insulin kundi nasa insulin receptors ang problema ng NIDDM kaya hindi ito nagagamot ng mga insulin replacements. Nakokontrol ito sa pamamagitan ng tamang dieta at nutrisyon. Mas karaniwan ang NIDDM kay sa IDDM at kadalasang nagkakaroon nito ang mga adults.

Ngayon, mas popular na ginagamit ang self-monitoring of blood glucose (SMBG) kung ang asukal sa dugo ay masyadong mataas o masyadong mababa. Halimbawa nito ay mga blood glucose meter strips. Nakakatulong din ang pagkain ng matatas sa fiber sa pagkontrol.

Pagkabulag, sakit sa puso, kidney failure, foot deformities, at neuropathy ang ilan sa mga komplikasyong maaring idulot ng diabetes.

Ayon kay Dr. Bien Matawaran, hangga’t maari, iwasan ng diabetic ang matatamis at mataas na kaloring pagkain tulad ng softdrinks at cake na nakapagtataas ng asukal sa katawan. Kailangan din ng madalas na pagkonsulta sa doktor at dietician para magabayan sa pag-inom ng rekomendadong gamot. Ayon naman kay Joan Sumpio, nutritionist at dietician at head ng UST Dietary Department, kailangang ang kinakain ng diabetic ay iyong hindi makolesterol na pagkain sapagkat namemeligro siyang magkaroon ng cardiovascular diseases. Dapat ding may sapat siyang ehersisyo.

READ
Valik-Varsi 2002

Payo ni Sumpio sa mga estudyante na bawasan ang kumain sa mga fast-food chains dahil matataas ang kalori ng mga pagkain dito na maaring pagmulan ng sakit na diabetes.

Mahirap ang pang araw-araw na buhay ng isang may diabetes. “They (diabetics) should have a good control on their glucose levels. Kailangang tama talaga iyong kinakain nila. Isa pa, kailangang mag-comply sila sa medications, kaya lang sa hirap ng buhay ngayon, mahal ang gamot at minsan lang sila nabibigyang ng libre. Dahil dito nahihirapan silang mag-comply,” sinabi ni Dr. Florence Santos ng USTH Department of Endocrinology.

Kaalaman sa diabetes ang isang paraan ng pagbawas ng bilang ng lumalalang sakit na ito bukod sa pagkontrol at pag-inom ng gamot. Sabi ni Lopez, ang pagbibigay ng sapat na kaalaman ay isang pagsubok sa kanila na kailangang itaguyod upang mabawasan ang bigat na dinadala ng mga diabetics. Naniniwala siyang ang kanilang misyon ay mananatili hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa susunod pang henerasyon.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.