NANG isulat ng nobelistang si George Orwell ang kathang Nineteen-eighty Four, hinulaan niya na ang kaniyang lipunan ay pamamahalaan ng isang totalitaryong gobyerno na magdudulot sa pagkawasak ng sangkatauhan. Hindi man naabutan ni Orwell ang taong 1984 na hinulaan niyang hudyat ng pagkawala ng moralidad at dignidad ng mga tao, hindi naman ito naging kawalan sa kaniya sapagkat hindi ito nagkatotoo.

Ngunit ilang dekada ang nakalipas at tila isang “Orwellian” na lipunan ang umuusbong sa ‘di kalayuan. Ang mga mga kathang-isip ni Orwell tulad ng mga “telescreen,” “thoughtcrime” at ang pagsiklab ng “Big Brother” ay unti-unting lumalabas sa mga pahina ng kaniyang nobela at nagkakatotoo na rin dito sa loob ng UST.

Isa sa mga naging elemento sa nobela ay ang telescreen kung saan mayroong itsurang monitor na may nakakabit na camera ang nakalagay sa bawat tahanan ng mga “proles.” Ito ay upang manmanan ang kanilang mga gawain at pigilan ang mga masasama nilang balak.

Hindi ko naman sinasabi na ang pagkakabit ng Facilities Management Office ng mga closed-circuit television (CCTV) cameras sa bawat silid-aralan ay maihahalintulad doon sa nobela. Ngunit ngayong marami na ang nakakabit na CCTV cameras, bakit tila marami pa ring nakawan ang nangyayari sa loob ng mga silid-aralan? Minsan ay hindi ko na makuha ang layunin nito kung mayroon pa ring nakalulusot na mga masasamang loob. Kung ganito rin lamang, napapaisip tuloy ako kung isa sa mga pakay nito ay upang manmanan ang mga gawain ng mga guro at mag-aaral sa loob ng klase.

Kaakibat ng pagkakakabit ng mga CCTV cameras, mas mainam kung paiigtingin din ang pagbabantay ng mga security guards sa loob ng kampus sapagkat ito naman ang kanilang pangunahing tungkulin; hindi lamang mangsita ng mga mag-aaral kung sila ay hindi nasa ayos na uniporme. Hindi katulad ng ibang pamantasan na mahigpit sa pagpapasok ng mga bisita, ang mga guwardya ng UST ay tila walang pakialam kung sino ang pumapasok at lumalabas sa kampus. Lingid tuloy sa isipan nila na maaaring masama na pala ang pakay ng mga pumapasok. Sayang lamang din ang milyun-milyong paggastos kung marami pa ring nakawan at masasamang loob ang malayang nakapapasok sa Unibersidad.

READ
Thomasians called to 'work together'

Bukod sa telescreen, isa rin na palaging ginagamit ni Orwell ay ang salitang “thoughtcrime” kung saan sa pamamagitan ng telescreen ay inaalam nila kung may masamang iniisip ang mga proles sa kanilang administrasyon.

Tawagin mo man itong thoughtcrime o hindi, ang Office of Student Affairs ay maingat na babantayan ang mga accounts sa social networking sites ng mga Tomasino. Ito ay upang alamin kung may mga masamang pahayag ang mga mag-aaral sa mga propesor ng Unibersidad o sa UST sa kabuuan. At kapag napatunayan na isang ngang mag-aaral iyon ng pamantasan siya’y papatawan ng karampatang parusa. Nasaan na ang tinatawag nilang freedom of expression?

Ang pagiging dogmatic na tono ng nobela ay maisasalamin din sa ating pamantasan.

Isang bagay na aking napuna ukol dito ay ang pagtuturo ng teolohiya—o maaaring sa kolehiyo lang namin—kung saan ang mga ibang propesor ay tinuturo lamang kung ano ang nakalagay sa libro at turo sa Bibilya, imbes na linangin ang isipan ng kabataan sa mga tahasang pag-iisip at pilosopiya. Hindi tuloy nasasaliksik ng mag-aaral ang kaniyang relihiyon, bagkus ay alam lamang niya kung ano ang dinidikta at pinupukol sa kaniya.

Kaya masasabi kong kaunti lamang ang alam ko sa aking relihiyon kahit na galing pa man ako sa tinuringang “the Catholic University.” Noon lamang naging manunulat ako sa seksiyong Pintig ng Varsitarian at saka lumawak ang aking pananaw ukol sa Katolisismo.

Hindi rin ako magtataka kung magkaroon, ng ayon kay Orwell, ay “newspeak” sa UST sa pagtanggal ng ibang kolehiyo ng asignaturang humanities at ang pagkawala ng Center for Creative Writing and Studies. Sa nobela, ang newspeak ay bagong lengguwahe na may limitadong bokabolaryo na inihahain sa masa na naglalayong limitahan ang pag-iisip ng mga tao.

READ
Tomasino, bagong pinuno ng media relations sa Palasyo

Kung iisa-isahin ang mga problema na ‘di madalas napapansin sa Unibersadid, hindi sapat ang aking column upang ito’y ilahad.

Tulad ng ibang pamantasan, hindi naman perpekto ang UST at marami rin itong pagkukulang. Pero sana ay buksan ng mga opisyal ang kanilang mga mata sa ganitong mga isyu upang mapunan nila ang kanilang mga pagkukulang.

***

Bukas ang tanggapan ng Varsitarian sa mga mag-aaral at mga nagsipagtapos mula sa UST na gustong magbahagi ng kanilang talambuhay para sa Heaven’s Kitchen. Maaari lamang ipagbigay alam sa manunulat na ito (0906.8810.376) ang mga karagdagang katanungan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.