BAHAGYANG tumalbog ang siksik na tiyan ni Mario nang tamad na tamad niya itong idinantay sa harapan ng lababo. Nahuli na naman siyang kumain. Dismayado ang kaniyang mukha habang nanlalambot na tinitigan ang patung-patong na pinagkainan ng buong pamilya.
Hindi hiniwalay ang mga buto ng manok, kutsara’t tinidor at mga masesebong pinggan na pinagkapitan na ng natuyong sabaw ng kaldereta. Dinagdagan pa ng mga baso sa gawing kaliwa ng lababo, pitsel na may tira pang isang basong iced tea at dalawang bandehado kung saan natuyo na ang mga latak na kanin at sabaw. Mabuti at ang kaniyang ate na lamang ang inutusang mag-impis ng rice cooker at kalderong pinaglutuan ng ulam.
Pinaliliguan ng kaniyang nanay ang bunso niyang kapatid habang lumabas na ng bahay ang kaniyang tatay, batid niyang dadalawin ang mga kumpare nito. Siya na lamang ang naiwan sa kusina habang binabanlawan at sinasalansan ang mga kubyertos.
Buong bakasiyon na niya itong paulit-ulit na ginagawa. Sawang-sawa na siya. Hindi na niya rin lubos akalain na maging sa araw ng Linggo, hindi siya patatawarin sa gawaing-bahay.
Ilang sandali pa, pinunasan na niya ang lababo gamit ang basahang nangingitim na sa kalumaan. Iniwanan niyang bukas ang salaan na lalagyan ng mga pinagligpitan at tumakbo palabas ng bahay.
Basa nang kaunti ang laylayan ng kamiseta ni Mario dahil dito niya tinuyo ang kaniyang basang mga kamay bago lumabas sa tarangkahan.
Sa ilalim ng orkidyas na itinanim ng kaniyang nanay, nakaupo sa bangketa ang kaniyang matalik na kaibigang si Anton. Nakukuba na ito habang abala sa paglalaro ng Pokemon Go.
Tanghali na subalit halatang bagong ligo si Anton sa basa nitong buhok at kalat-kalat na pulbos sa dibdib. Maaaninag sa suot nitong maluwag na t-shirt na may cartoon character ang kapayatan nito lalo na nang sumiksik si Mario upang makinood sa usong laro.
“Tapos ka nang magligpit ‘no?” tanong ni Anton habang patuloy sa paglalaro.
Walang imik si Mario. Yamot na kinamot niya ang kaniyang ulo at ikinunot ang noo habang bahagyang nakapikit ang mata dahil sa tumatalbog na sikat ng araw sa aspalto. Inilingan niya ang inalok ng kaniyang kalaro na Skyflakes na mukhang siya ring tanging tanghalian nito.
“Tara sa bahay, maglaro na tayo ng Diner Dash!” anyaya ni Anton.
Basa ang semento sa tapat ng bahay nina Anton dahil sa sinampay na mga basang damit. Bumaba sila ng hagdan upang makapasok sa kanilang bahay. Sa may gawing kaliwa, nakapuwesto ang kanilang telebisyon. Nasa isang sulok ang tatay ni Anton na nakataas ang isang paa sa inuupuan at mag-isang kumakain. Kinakamay nito ang adobong manok na nakalagay sa supot.
Sa munting sala, salitan sila paglalaro sa tablet ang magkaibigan. Manghang-mangha si Mario at naisip na sana kasimbilis niyang maghugas ng pinggan ang babaeng karakter sa Diner Dash. Sana simbilis lang ng isang pitik at naligpitan na ang mga hugasin na pinggan pagkatapos kumain.
Ilang sandali pa at napasigaw sa tuwa sina Mario at Anton dahil natapos nila ang isang level ng laro.
Napatingala si Anton sa kaniyang pagkakayuko sa tablet nang marinig niya ang boses ng kaniyang nanay mula sa eskinita. “Antoooon! Hugasan mo na ang pinagkainan natin. Kaninang-kaninan na ‘yan!”
Humangos si Anton sa lababo upang sundin ang kaniyang nanay. Halata ni Mario na takot itong mapagalitan at mapahiya sa harap niya.
Hindi pa tapos ni Mario sa isang level ng Diner Dash, tumabi na muli si Anton sa kaniya, basa pa ang kamay at hinihintay siyang matapos.
Hininto ni Mario ang paglalaro. Inihaba niya ang kaniyang ang leeg at pinagmasdan ang bakanteng mesa at tuyong lababo. Tatlong plastik na plato, dalawang baso, dalawang tinidor at isang kutsara ang nakasalansan sa salaan…
“Tapos ka na agad?” pagtataka niya sa bilis ng kaibigan. Tumango siya habang hinablot sa kaniya ang tablet. “You Lose!”’ mensahe ng Diner Dash. “Bakit ang bilis mong magligpit?” usisa ni Mario na may halong pagkakagulat.
“Eh kaunti lang ang kinain namin eh,” sagot ni Anton na malapit nang ipanalo ang nilalaro.
Tulad ng inaasahan, Skyflakes ang merienda ng magkaibigan. Kinahapunan, pagpasok ni Mario sa kanilang bahay, hinahanda na naman ang limang plato, pares ng kutsara’t tinidor, mga bandehado ng ulam, isang pitsel ng iced tea at limang baso sa mesa. Pinaupo siya ng kaniyang nanay na bitbit na ang nilutong adobo mula sa kusina.
Isa, dalawa, tatlo…
Binilang niya ang bawat plato at kubyertos na sasabunan niya pagkatapos ng hapunan. Natunaw na agad ang Skyflakes na kinain nila ni Anton kanina. Kumalam ang kaniyang sikmura at sa pagkakataong iyon, mas ginusto niyang dumoble ang kaniyang mga hugasin.
“Kain na po tayo,” wika niya sa harap ng hapagkainan.