SA PAGPAPAHALAGA sa wika nagmumula ang pagpapahalaga ng mga mamamayan sa kanilang pagkakakilanlan.
Ito ang naging pangunahing layunin sa likod ng paglulunsad ng WIKApedia, isang munting proyekto ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) sa Facebook na nagsimula noong Agosto ng nakaraang taon bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at patuloy na umaani ng rekognisyon at pagtangkilik sa humigit 60,000 page likes nito.
Halaw ang pangalan ng proyekto sa pinagsamang mga salita na “wika” at “encyclopedia” sapagkat ito ay isang kalipunan ng mga aralin at paglilinaw hinggil sa wikang Filipino na nagnanais maghain ng isang lunan para sa makabuluhang diskurso.
Sa isang personal na panayam kay Tyron Casumpang, manunulat sa Filipino ng PCDSPO at may likha ng WIKApedia, nagsimula ang ideya sa proyekto noong may nakita siyang infographic ng tamang gamit ng ‘nang’ at ‘ng’ na nagbunsod sa kaniya ng pagnanais na maglabas ng infographic na mayroong layout na mas nakaka-engganyong tingnan at konseptong mas komprehensibo kumpara sa kaniyang nakita.
Sa kabuuan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, arawang naglabas ng WIKApedia infographic ang PCDSPO gamit ang pahina ng Official Gazette na mabilis namang kumalat online kaya ng matapos ang Agosto, nagkaroon na rin ng sariling pahina ang WIKApedia.
Bukod pa rito, binigyan ng pagkakataon si Casumpang ng PCDSPO na ipagpatuloy ang kaniyang proyekto hanggang matapos ang termino ng kasalukuyang administrasyon dahil sa hindi inaasahang pagtangkilik ng mga tao sa mga infographic na inilalabas nito.
Pagtatama sa mali
Sa kagustuhan ng PCDSPO na higit na pagtibayin ang kredibilidad ng pahina, nakipag-ugnayan ang kanilang opisina sa Komisyon sa Wikang Filipino na agad namang nagbigay suporta sa proyekto sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga karagdagang sanggunian kay Casumpang at muling pagsusuri sa impormasyon sa infographic bago ito ilabas sa opisyal na pahina.
Gayunpaman, hindi pa rin nakaligtas sa mga pagkuwestiyon at pagbatikos ang WIKApedia sa kabila ng pagtangkilik ng karamihan.
Pahayag ni Casumpang, likas na mayroong matitigas ang mga ulo na hindi bukas ang kaisipan sa pagtatama ng mga maling natutunan at baguhin ang nakasanayan na.
“Maraming maling naituro na kailangang iatama, ano pa ang saysay ng pagkakaroon ng mga iskolar kung hindi naman pakikinggan ang bunga ng [kanilang] masigasig na pag-aaral? Nakakatakot, kasi nagkakaroon [ang mga Filipino] ng kultura ng pagmamarunong,” aniya.
Labanan ng mga wika
Sa usapin naman ng tunggalian ng wikang Filipino at Ingles, nanindigan si Casumpang na hindi kailangang mamili sa dalawa.
Aniya, hindi kalaban ng Filipino ang Ingles, sapagkat isa lamang itong maling kaisipan na kadalasang bunga ng usapin hinggil sa higit na pagpapahalaga ng mga Filipino na matuto at makapagsalita ng wikang banyaga kaysa sa sariling wika.
Paglilinaw pa niya, hindi maikakaila na mahalaga ang matuto ng ibang wika, partikular na ang Ingles upang makipagtalastasan sa ngayo’y globalisado nang mundo ngunit hindi ito dahilan upang talikuran ang wikang Filipino.
“Mahalagang matuto ng Ingles para magkaroon ka ng laban sa pandaigdigang mga usapin pero bago ka maging globally competitive, kailangan mong maging locally responsible, dahil sa dulo, wala namang natatalo sa natututo,” aniya.
Maliban sa Ingles, binigyang paliwanag din ni Casumpang na hindi isinasantabi ng WIKApedia ang iba pang mga katutubong wika sa bansa sapagkat bahagi na ito ng buhay at pagkakakilanlan ng mga Filipino.
“Nakikita sa wika kung paano tinitingnan ng tao ang buhay. Doon pa lang, malalaman mo na kung bakit mahalagang matuto ng ibang wika bukod sa sariling wika, nagkakaroon ka ng ibang pagtanaw sa mundo at mas nalalapit ka sa katotohanan,” aniya. Maria Koreena M. Eslava