Ang sinasabi ng sinasabi ay mas mahalaga kaysa sa sinasabi.
—Gary Granada
Sapagkat ang verbo ay nagkatawang tao
nangangahulugan lamang na lahat
ng kanilang sinasabi ay nagkakatotoo:
Ikinasa nila ang mga salitang tulad ng pagbabago,
rebolusyon, kasarinlan at saka inasinta
sa mga inaakalang kaaway,
nakahandang bitiwan ang mga salita sa hudyat
na magsisilbing senyal para sa lahat.
Subalit maging sila pala ay hindi nagkakaunawaan.
Sa madaling salita, nangungusap sila
ng mga bagay na hindi nila lubos na nauunawaan.
*Mula sa “Sa Madaling Salita at iba pang tula” na nagkamit ng karangalang banggit sa kategoryang Tula sa Ustetika Taunang Parangal Pampanitikan noong 2008. Si Castillo ang itinanghal na Tomasinong Makata ng Taon noong Ustetika 2007.