IPINAHAYAG ni Dekana Gloria Bernas ng College of Science na magiging mabulas na ang mga pag-aaral ng paghahalaman sa pagkabukas ng UST Botanical Garden at Butterfly Sanctuary.
Matatagpuan ang hardin sa pagitan ng simbahan ng Santissimo Rosario at UST Main Bldg. Nagiging tanyag na rin itong pasyalan ng mga mag-aaral at bisita sa unibersidad.
“The Botanical Garden will serve as live classroom for the students,” ani Bernas sa pasinaya ng hardin noong Agosto 9, na pinangunahan ng Rektor P. Tamerlane Lana, O.P.
Binigyang-diin din ang nasabi ni Dekana Rosalinda Solevilla ng Faculty of Pharmacy. Sa isang panayam ng Varsitarian, sinabi niyang makatutulong ang hardin lalo na sa mga mag-aaral ng Botany.
Sa pamamagitan ng proyekto, maari na ring mag-laboratoryo ang mga mag-aaral, dagdag pa ni Solevilla. Makakatulong din umano ang hardin sa pagpapalago ng mga pag-aaral sa mga halamang-gamot.
Nagpaplano rin ang Pharmacy na gumawa ng isang libro o compendium tungkol sa mga halaman na nasa hardin. Bukod pa kay Solevilla, pangungunahan din ito nina Dr. Eduardo de Leon, Rebecca David at Albert Quentela ng Faculty of Pharmacy.
Idinagdag pa ni Bernas na hindi lamang Botany ang maaaring pag-aralan dito. Ayon sa kanya, maaari ring pag-aralan ang ibang hayop tulad ng mga ibon at mga paru-paro sa sanktwaryo na nabubuhay kasama ng mga halaman.
Magiging kapaki-pakinabang din ang hardin sa pagpapalago ng mga halamang kakaunti na lamang ang gamit bilang ang tissue culture.
Hinimok ni Dr. Lilian Sison, dekana ng UST Graduate School, na panatilihing matibay ang kooperasyon ng tatlong kolehiyo upang panatilihin ang kagandahan ng hardin, at upang magsilbi itong mahalagang kontribusyon sa pagpapahalaga at pag-aaral ng halaman sa komunidad. Stephen Roy O. Chua-Rojas