SA GITNA ng pagtatayo ng isang poste ng ilaw sa Alumni Park noong Hunyo 19, napansin ng mga manggagawa ng Armcon Limited na may mabahong usok na lumalabas sa anim na talampakang hinukay na lupa kaharap ng pintuan sa likod ng Main Bldg.

“Mabaho ‘yung usok, nakakasuka,” ani Dennis Habilis, manggagawa ng Armcon Limited na naghukay sa lupa. “Pagkatapos maghukay, sumakit ang ulo at tiyan naming mga kasama ko.”

Sa pamumuno ni Engineer Antonio Espejo ng Buildings and Grounds, iniutos sa mga tauhan ng Armcon Limited na tuluyang hukayin ang lupa nang mahanginan at tumila na ang pabugso-bugsong pag-usok nito na tumagal ng tatlong araw.

Ayon sa masusing imbestigasyon ng Research Center on Natural Sciences (RCNS), basurang nabulok ng walang hangin sa loob ng mahabang panahon o anaerobic decomposition sa ilalim ng lupa ang dahilan ng pag-usok ng lupa sa tinatayong Alumni Park.

Sinabi ni Espejo at ng RCNS na wala nang dapat ikabahala ang mga mag-aaral sa umusok na parte ng Alumni park na ito.

“Huminto na ang usok ng mga nabubulok na basura sa lupa kaya maaari nang ituloy ang konstruksyon. Wala nang dapat pang ikabahala na mangyayari itong muli dahil hinantay na tumila ang pag-usok bago ito tabunan at takpan ng mga cobblestones ng Alumni Park,” ani Espejo.

READ
Pananampalatayang Tomasino, saan na patutungo?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.