KAPAG tumulong ang isang tao sa may matinding suliranin, nararanasan din ng tumulong ang mismong suliranin na iyon, ayon sa isang Tomasinong eksperto sa traumatic stress.
“Sadyang bago lamang ang compassion fatigue bilang interes ng pag-aaral sa Pilipinas ngunit ito ay isang matagal na realidad ng sangkatauhan,” ani Dr. Johnny Decatoria sa isang seminar, “Compassion Fatigue (The Stress of Helping Others)”, noong Hulyo 18 hanggang 19 sa Thomas Aquinas Research Center. “Nakakalungkot isipin na ngayon lamang napagtatanto ng mga propesyonal na ito ang kahalagahan ng pag-aalaga nila sa kanilang sarili.”
Ayon kay Decatoria, propesor sa Graduate School (GS) na nagtatag ng kauna-unahang psychotrauma clinic sa Pilipinas, ang Vicarious Traumatization at Counter Transference Response (CTR) ang dalawang pinakanakababagabag na stress na maaring danasin ng mga propesyonal na ito.
Dagdag pa ni Decatoria na isang panunuya ang katotohanan na habang abala ang mga propesyonal, tulad ng mga sikolohista, at mga medical and health practitioners, na tumulong sa mga biktima ng stress at depresyon, napapabayaan naman nila ang kanilang mga sarili.
Nilayon ng seminar na magkarooon ng kamalayan at maintindihan ng mga kalahok ang kahalagahan ng compassion fatigue, makilala nila ang mga pangkaraniwang sintomas at epekto ng Vicarious Traumatization at CTR, at maghanap ng karampatang estratehiya sa pagsugpo sa tinaguriang “helpers’ stress.”
Nilayon din ng GS–Center for Professional Development and Consultancy Services na bigyang-kapangyarihan ang mga kalahok na magtalungan sa pamamagitan ng balitaktakan at talakayan ukol sa kani-kanilang mga karanasan sa compassion fatigue. Jianne dL. Yamzon