BUBUWAGIN na umano ng Commission on Higher Education (Ched) ang tulong pampinansyal na binibigay nito sa mga Centers of Excellence (COE) at Centers of Development (COD) sa buong bansa sa susunod na taon,
Sa halip ng dating P3 milyong natatanggap ng mga COE at P1 milyon ng mga COD bawat taon, maari na lamang humingi ng pondo, case-to-case basis, ayon sa Ched memorandum order bilang 20.
Ayon sa dokumento, limitado ang nakalaang pondo kaya kinakailangang magbago ng mga prioridad ang Ched.
“The COE project would now be more efficiently implemented by channeling limited resources on areas needed to boost the country’s competitiveness in emerging cutting edge technologies and to further improve and sustain the quality of teacher education,” ayon sa dokumento.
Kabilang sa mga “priority areas” ng Ched ang Agriculture, Engineering, Information and Communications Technology, Science and Mathematics, at Teacher Education.
“Experience rin naman kasi dati sa mga designated COEs at CODs, hindi nila agad nagagamit o na-liliquidate (ang pera),” ani Violeta Estoya, project development officer sa Ched. “Nagiging matagal tuloy ang pag-release ng pera.”
Dinagdag pa ni Estoya na nagbabalak din ang Ched na tuluyang tanggalin na ang mga CODs dahil nais lamang nitong pagtuunan ng pansin ang mga COEs.
Ayon naman kay Dr. Armando de Jesus, vice-rector for academic affairs, pinirmahan na ni Rektor P. Tamerlane Lana, O.P., noong Hulyo and isang memorandum of agreement na magbibigay sa College of Science at Faculty of Engineering ng P1.5 milyon bago tuluyang lumipat sa bagong sistema ng Ched sa susunod na taon, sa halip na kumpletuhin pa nila ang kabuuan ng tulong pampinansyal.
Nilinaw naman ni Estoya na hindi ang kabuuang balanse mula sa mga nakaraang taon ang halaga, kundi isang uri ng settlement bago ilunsad ang bagong sistema.
Sinabi ni De Jesus na hindi naman masyadong umaasa ang Unibersidad sa pondong iyon.
“(Even without the fund), UST can still pursue its job of providing good education,” ani De Jesus.
Maging si Dr. Fortunato Sevilla, dekano ng Science, ay may parehong ideya.
Aniya, gagamitin sana ng kolehiyo ang makukuhang pondo para sa mga scholarship, faculty development, at pagpapaganda ng pasilidad. Ngunit “may magandang punto din ang pagbuwag sa tulong pinansyal ng Ched.”
“(It becomes a) challenge for us,” ani Sevilla. “(The college) will be forced to harness the best in us.”
Nakikita ni De Jesus na susunod na maaapektuhan ang iba pang mga COE at COD ng Unibersidad oras na pumaso ang mga kasalukuyang kasunduan nila sa Ched.
Sa ngayon, walo ang COE ng UST: Literature, Philosophy, Electronics and Communications Engineering, Architecture, Nursing, Music, Chemistry, at Medicine and Surgery at pito naman ang COD–Biology, Business Administration, Chemical, Industrial, Civil, Mechanical at Electrical Engineering.
Kasama ang pagtaguyod ng COE at COD sa mga probisyon ng Republic Act 7722 ng 1994, na siyang batas na lumikha sa Ched. Binibigay ang tulong pinansyal sa mga institusyon upang pagandahin ang kalidad ng edukasyon, faculty profile, pasilidad, at pananaliksik sa kani-kanilang rehiyon. R D. Tan kasama si M. E. V. Gonda