ISANDAANG araw bago ang kanonisasyon ni Beato Pedro Calungsod sa Oktubre 21, naglunsad ang Simbahan ng isang website upang alalahanin at gawing huwaran ng mga kabataan ang kaniyang buhay.

Sa pamamagitan ng proyektong The Big Move: 100 Days to the Canonization of Blessed Pedro Calungsod, inilunsad ng Arsobispo ng Maynila Luis Antonio Tagle at ng National Commission on the Canonization of Blessed Pedro Calungsod, ang website na www.sanpedrocalungsod.com sa First Catholic Social Summit sa lungsod ng Marikina noong Hulyo 14.

Makikita sa website ang mga balita, feature articles, blogs, at mga multimedia materials tulad ng mga larawan, videos, at podcasts tungkol kay Calungsod. Kabilang din ang isang countdown clock na naglalahad ng mga natitirang sandali bago ang kaniyang kanonisasyon.

Sa pinadalang mensahe sa Varsitarian, sinabi ni Nirva Delacruz, isa sa mga bumuo ng website, na kinakailangang gumamit ng isang portal na magpapakita ng pag-unlad sa pagpapalaganap ng buhay ni Calungsod.

“We need to move with the times. We need to stop preaching to the choir and start bringing relevant example to all people. The Internet helps us to do that,” ani Delacruz, kasapi ng grupong Youth Pinoy.

Ang Youth Pinoy ay isang online na komunidad ng mga kabataang Katoliko na nakatuon sa ebanghelismo at value-formation.

Matatagpuan din sa website ang links sa Facebook fan page (www.facebook.com/FilipinoSaintPedroCalungsod) at Twitter account (www.twitter.com/@SPCalungsod) na naglalaman ng mga balita ukol sa Pilipinong beato.

Ayon sa website, ipinanganak si Calungsod sa Cebu noong 1655. Siya ay 14 na taong gulang nang mapiling makasama ng mga Heswitang pari sa kanilang misyon sa Isla ng Ladrones, tinatawag na ngayong Isla ng Marianas.

READ
Security tightened for bar examinations

Nagtungo rin si Calungsod at si Diego Luis de San Vitores sa Guam upang binyagan ang mga katutubong Chamorro at naging mga Katoliko sila. Sa kabila ng dinanas nilang hirap ay nakapagbinyag pa rin sila ng maraming mamamayan.

Nagpunta sila Calungsod at San Vitores sa Tumon, Guam upang ipagpatuloy ang kanilang misyon. Gayunman, sinugod sila ng ama ng isa sa mga batang kanilang bininyagan noong Abril 2, 1672, dahil sa paniniwala na ang mga Chamorrong nabinyagan ay mamamatay. Ang ideyang ito ay nagmula sa isang Tsinong mangangalakal na nagngangalang Choco.

Ayon sa mga ulat, posibleng nagtagumpay sana si Calungsod sa pagtakas, ngunit pinili niyang manatili at mamatay kasama si San Vitores.

“Si Beato Pedro Calungsod ay naging isang kabataan na totoo at tapat na kaibigan. Nagkaroon siya ng pagkakataong makatakas, ngunit pinili niyang makasama ang kaniyang kaibigang Heswitang pari,” ani Delacruz. “Nagpapakita [siya] ng isang magandang pag-uugali sa mga kabataan na mayroong mababaw na pag-unawa sa pagkakaibigan.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.