Pulis: “Inday, bakit mo hinagis ang sanggol na inaalagaan mo?”
Inday: “E… Sabi po ng amo ko, ‘kung wala nang Pampers, i-huggies ko na lang daw.”
***
KAHIT isa lamang biro na mula sa text, hindi ibig sabihing wala itong praktikal na mensaheng taglay: “Gamitin ang utak bago umaksyon.”
Minsan, gumagawa tayo ng mga bagay upang magbigay ng impresyon at pagbabago sa lipunan. Ngunit madalas tayong napagkakamali ng tanong na, “ano ang gagawin natin?” sa halip na “bakit natin kailangang gawin ito?”
Iyan si Inday: sunod lang nang sunod, hindi nag-iisip, at walang kamalayan sa hinaharap.
Iyan din ang ilang mga Pilipino: tinitignan lang ang lahat ng bagay sa face value, katulad ng ‘di umano’y pandaraya ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa nakaraang eleksyon.
Kahit totoo mang tinawagan ng Pangulo si “Garci” noong panahon ng eleksyon—nandaya man o hindi—hindi natin siya puwedeng husgahan. Ang batas na ang gagawa nito.
Kung kinakailangang mag-isip at magbusisi ang Korte Suprema bago pa ito maaaring magpataw ng desisyon, tayo pa, mga ordinaryong mamayan lang, ay may karapatang manghusga kaagad?
Hindi naman sa dapat na lang tayong maging mga robot na pawang walang sari-sariling opinyon, kundi mga taong nag-iisip nang mabuti bago gumawa ng opinyon.
***
Isip ko: “Everyone is entitled to their own opinion ‘di ba?”
Ako: “Oo nga. Sabi ko lang naman na dapat pinag-iisipan lang nang mabuti ang pinagsasabi ng mga ‘yun.”
Isip ko: “May epekto ba ‘yun sa ibang tao? Pakialam ba nila?”
Ako: “E pano kung may nagbabasa ng kolum na ito… at pinapaniwalaan ang mga pinagsasabi ko?”
Isip ko: “’Di naman sila bobo’t tanga na hindi makikita kung alin ang totoo at hindi.”
Ako: “Ganun din naman ang kaso ng mga taong impluwensyal sa lipunan. Dapat pinag-iisipan muna ang kanilang sinasabi sapagka’t baka may nakikinig…
Isip ko: “(at naniniwala)”
Ako: “…at nagtitiwala sa mga opinyon nila.”
***
Ako: “Good luck sa mga prelims ninyo. I-huggies niyo lang ang inyong mga opinyon sa varsitar@yahoo.com.”