NAKATATAWANG isiping iniuugnay sa paglobo ng populasyon ang paglugmok sa kahirapan ng ating bansa. Baon sa utang ang Pilipinas kayat nagkakandarapa ang ilang mambabatas sa paggawa ng mga batas na sa tingin nila’y makatutulong sa kasalukuyang bagsak na ekonomiya.

Isa sa mga sinasabing batas na mag-aahon sa pagkakautang ng bansa ang isinumite ni Rep. Edcel Lagman, na kung susurii’y wala namang maitutulong, bagkus pinapatay nito ang ating kinabukasan. Ayon sa House Bill No. 16, itatatag ang Reproductive Health and Population Management Council na sasagip sa naghihingalong ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagkontrol sa dami ng mga Filipino, pagkakalat ng impormasyon ukol sa sekswalidad, at paggamit ng mga birth control method.

Sa guguguling 100 milyong pisong pondo para sa ahensiya, tiyak marami na namang bulsa ang mapupuno ng perang nagmula sa taumbayan. Bukod sa pasikut-sikot na istruktura, kapansin-pansin rin ang pagkapatung-patong ng mga responsibilidad na gagampanan ng ahensiya laban sa iba pang ahensiyang nauna nang itinatag ng gobyerno.

Nakakubli naman sa mababangong teknikal na salita ang nakasusukang katotohanang pagpatay ng batas sa mga Filipino. Sa paglilimita ng anak sa bawat pamilya, tila pagpatay sa karapatan ng magulang ang pangunahing isinusulong nito.

Ani Lagman, hindi matugunan ng gobyerno ang pang-edukasyon at pangkalusugang kailangan ng bawat Filipino kayat kinakailangan daw na dalawa lamang ang magiging anak ng bawat mag-asawang Filipino. Mas makabubuti rin daw ito upang mabayaran ang mahigit limang trilyong pagkakautang ng Pilipinas.

Alam nating lahat na nagkukulangan ang gobyerno ng pantustos sa mga tao dahil sa korapsyon at walang-humpay na nakawang nagaganap sa poder nila. At lalong walang kinalaman ang taumbayan sa nangyayaring kawalan ng gobyerno, tanging sila-sila lamang ang nakahahawak at nakagagamit ng mga perang ibinalik sa kanila ng taumbayan.

READ
CJA's salient features

Kaugnay nito, hindi ba’t mas makatutulong ang malaking populasyon sa Pilipinas lalo na’t kilala tayo bilang sentro ng yamang-tao sa mundo? Kung ang pagpapaunlad na lang sana sa yamang-tao ang pagtuunan nila ng pansin, siguradong hinding hindi magiging problema ang paglobo ng populasyon natin. Sa ngayon pa lang, hindi na mabilang ang mga bansang nag-aagawan sa serbisyong-Filipino, mapa-propesyunal man o hindi.

Sa kabilang banda, ilang ulit nang sinabi ng Simbahan na nasa kamay ng mga magulang ang desisyon ukol sa ilan ang magiging anak at paano’t ano ang ituturo nila sa mga anak. Sayang naman at tinawag pa silang magulang kung hindi naman sila ang magtuturo ng mga mahahalagang gampanin ng susunod na henerasyon sa lipunan.

Nananatiling tahimik naman ang batas ukol sa isyung aborsyon at artipisyal na pamamaraan ng birth control bilang pagmanipula sa populasyon. Labag man sa kultura’t paniniwala natin, paniguradong uulanin ang Pilipinas ng mga banyagang kontraseptib na unti-unting tutupos sa yamang-tao ng Pilipinas. Pasalamat tayo’t nananatiling mas nakararami ang mga bata sa ngayon sapagkat kung darating ang panahon na mas nakararami ang matatanda dulot ng paglilimita sa bilang ng anak, siguradong mahihirapan ang gobyerno sa pag-aalaga ng lumang henerasyon gaya ng nararanasan ngayon sa Europa.

Mapapansin ding isipang-makadayuhan ang pina-iiral ng naturang batas. Nilalabanan nito ang damdaming maka-Katoliko’t makatao ng Filipino, na hayagang pagpapawalang-saysay sa atin bilang sentro ng Kristiyanismo sa Asya.

Iisa pa lang ito sa sampung problematikong puntong nais ng HB no. 16. Kung maipasa man, huwag na sanang asahan pa ng gobyerno na darami pa ang “pag-asa ng bayan” sapagkat mauuwi lamang sila bilang pambayad-utang.

READ
Are NPA, militia behind 'Lumad cleansing'?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.