ALAS TRES ng madaling araw.
Naantala sa pagkakahimbing
Ang mga taong pupungay-pungay.
Binubuga ng bawat paghikab
Ang hanging nilanghap sa malungkot na kahapon.
Mga matang nakatingin sa kawalan,
Binulaga ng mainit na kapeng
Nanggigising sa labis na kapaitan.
Sa kalyeng malalim ang pagtulog,
Nagmamartsa ang mga panata
Tungo sa lugar na pagtatagpuan
Ni Hesus at ng kanyang inang
Matagal nang nagdurusa.
Sumalubong at nagsi-awit sa kagalakan,
Koro ng mga anghel na nagniningning
Sa gitna ng masukal na kadiliman.
Sa muling pagkikita ng ina at anak
Nagliwanag ang puso ng mga debotong
Isang linggong nakahimlay sa mapait na pag-alaala
Sa pagdurusa ng nagmahal na Tagapagligtas.
Unti-unting nabubuo ang isang panibagong buhay.
Sa pagwawakas ng isang madilim na yugto,
Kapayapaan at pagmamahal ang namumutawi
Sa puso ng mga nilalang na muling isinilang.