MULING nagbigay ang University of Santo Tomas Medical Alumni Association in America (USTMAAA) ng donasyon na humigit-kumulang $61,000 sa Faculty of Medicine and Surgery, USTMAA-Philippines at UST Hospital Lingkod E.R. noong Hunyo para pondohan ang mga proyektong pangkalusugan at medikal na pananaliksik.
Nakatanggap ng pinakamalaking paunang donasyon ng USTMAAA ngayong taon ang Faculty of Medicine and Surgery sa kabuuang halaga na $50,000. Binigyan ang Lingkod E.R. ng UST Charity Hospital ng halagang $6,000, at tumanggap naman ng $5,000 ang USTMAA Philippines.
Ayon kay Dr. Rolando Lopez, dekano ng Medicine, ilalaan ang natanggap na donasyon para sa pananaliksik, pagpapaunlad ng kaalaman ng mga miyembro ng faculty, pagbibigay ng scholarships, at pagbili ng mga bagong kagamitan sa pagtuturo.
Sinabi naman ni Ditas Decena, kasalukuyang presidente ng USTMAA Philippines, gagamitin ang perang kanilang natanggap para sa planong medical outreach nito na gaganapin ngayong Agosto sa Nasugbu, Batangas, at para sa proyektong pananaliksik ng mga doktor at mga estudyante ng Unibersidad.
“Sa Disyembre, ilulunsad ng USTMAA-Philippines ang Young Investigator contest,” ani Decena sa Varsitarian “Paligsahan ito ukol sa medikal na pananaliksik kung saan maaaring lumahok ang mga estudyante at alumni ng Medicine.”
Idinagdag pa ni Decena na inilaan ang donasyon noong nakaraang taon sa pagbibigay ng tulong-medikal sa mga mahihirap na pamilya sa probinsya.
“Nagdaos kami noong isang taon ng dalawang surgical mission sa Quezon at Aparri, Cagayan,” ani Decena. “Namigay kami ng mga gamot at libreng serbisyong medikal sa mga kababayan nating kapus-palad.”
Sinabi naman ni Anna Cabochan ng Lingkod E.R. na ilalaan ang bigay ng USTMAAA sa mga mahihirap na nangangailangan ng agarang lunas. Naglalayong dagdagan ng Lingkod E.R. ang kagamitang medikal at pasilidad ng emergency room at tulungan ang mga mahihirap na tao sa UST Charity Hospital.
“Kung hindi dahil sa taunang donasyon ng USTMAAA sa UST Lingkod E.R., hindi namin matutulungan ang 3,000 mahihirap naming pasyente,” ani Cabochan.
Noong nakaraang taon, nakatanggap ang UST ng paunang donasyon na $75,000 mula sa USTMAAA na siyang ginamit para pondohan ang pag-aaral ng mga estudyante na gustong kumuha ng Medisina, pagpapaayos ng mga silid-aralan at laboratoryo, pambili ng mga kagamitang medikal, at suporta ang mga proyekto ng Medicine.