Patungong España si Msgr. Miguel de Benavides nang bumagyo at inuga ng malalaki at malalakas na alon ang barkong sinasakyan niya at aksidenteng siyang nahulog sa tubig nang walang nakakita. Nang mapansin ng kasama na nawawala si Benavides, agad nitong inalerto ang mga tauhan ng barko. Subalit bago pa man sila sumuong sa dagat upang hanapin at iligtas ang pari, nakita nila ito na basang-basa at kaaaakyat lamang sa ibabaw ng barko. Tila himalang nalampasan niya ang hamon ng kalikasan at kamatayan—hudyat na marami pa siyang misyong dapat gampanan.

Ideyal na mag-aaral

Lingid sa kaalaman ng marami, dumanas ng maraming hirap si Msgr. Miguel de Benavides, O.P., upang mabuksan ‘di lamang ang pintuan ng Katolisismo, kundi pati ng edukasyon, sa bansa.

Bago magpunta sa Pilipinas, tahimik na nagtuturo ng teolohiya sa St. Paul’s Monastery sa bayan ng Valladolid, España si Benavides. Sa monasteryo ding ito siya sumali sa Orden ng mga Dominikano noong 15 taong gulang pa lamang siya.

Sa taglay na likas na katalinuhan at pagkahilig sa edukasyon, nakapasok siya sa College of St. Gregory, kilalang eskwelahan ng mga Dominikano sa España, matapos lang ng limang taon. “Ideyal na mag-aaral” kung ilarawan siya ng kanyang guro na si Padre Domingo Bañez, O.P., isang kilalang theologian.

Noong 1, 1585, dumating sa St. Paul’s si Padre Juan Crisostomo, O.P., Procurator sa Madrid at Roma, para mangalap ng mga ipapadalang misyonaryo sa silangan at timog Asya. Agad namang nagpalista at tumulong si Benavides. Walang ibang dala kundi ang mabuting balita, nilakad niya ang mahabang landas mula Valladolid patungong Seville para manghikayat ng iba pang mga gustong sumama.

Sa pagnanais na makapagbahagi ng kaalaman, tinawid niya maging karagatan kasama ng 14 paring Dominikano, upang maitayo ang Province of Our Lady of the Holy Rosary sa Pilipinas.

Mula España, naglakbay sina Benavides patungong Acapulco kung saan sila sumakay ng barko. At noong Hulyo 21, 1587, dumaong sila sa Cavite. Matapos ang apat na araw, nagtungo sila sa Maynila.

READ
Ang buhay sa pokus ng kamera

Ayon sa royal letter patent ni Haring Felipe II noong Mayo 30, 1585, misyon ng grupo na magturo at magbahagi ng relihiyon at karunungan. Subalit higit pa rito ang kanyang nagawa.

Veritas

Sa gabay ng pananalig at “Veritas” o katotohanan, na siyang pilosopiya ng mga Dominikano, tumulong si Benavides, sa pagpapatayo ng Hospital of St. Peter, na tinawag sa kalaunang Hospital of San Gabriel, malapit sa kasalukuyang College of San Juan de Letran.

Siya rin ang unang kura paroko ng mga Tsino na nagsimulang dumami sa bansa dala ng kalakalan. Mahirap man, sinikap ni Padre Benavides na pag-aralan ang wika nila.

Nang matutunan ito, isinalin nya sa wika ng mga Sangleyes (bansag sa mga Tsino noon) ang Doctrina Christiana en Lengua y Letra China na pinakaunang librong nailimbag sa Pilipinas.

Nagpunta rin sa Tsina si Benavides noong 1590 kasama si Provincial Prior Juan Castro subalit inakusahan at hinusgahan silang mga espiya kaya ikinulong sa Haiteng, Amoy bago pinabalik ng Pilipinas.

Ulirang pari

Pagdating sa bansa mula Tsina, isinama siya ni Obispo Domingo de Salazar upang makausap si Haring Felipe II tungkol sa mga repormang isinusulong nila. Sa biyahe patungong España nangyari ang himala sa buhay ni Benavides. Nakaligtas siya mula sa aksidenteng pagkakahulog sa barko sa kabila ng napakabagsik na unos. Marahil, marami pang dapat gampanan ang pari.

Sa España, kasama si Obispo Salazar, sinimulan ni Benavides ang kanyang mga bagong hangarin. Una sa mga idinulog niya kay Haring Felipe II ang mga karapatan ng mga katutubo sa pagmamay-ari ng kanilang mga lupa at ang malayang pagpili sa kanilang pagpapasailalim sa Hari. Hindi siya nabigo. Noong Pebrero 8, 1597, pinirmahan ni Felipe II ang sedula para kay Gobernador Francisco Tello de Guzman ng Pilipinas, kung saan isinaad ang kalayaan ng mga katutubo sa pagpili kung nais ng mga itong mapamunuan ng España. Ito ang nagbigay daan sa pinakaunang plebesito sa Pilipinas na naganap sa Magaldan, Pangasinan noong Marso 21, 1599 sa pangunguna ni Benavides at ng iba pang paring Dominikano. Pinili ng mga katutubo ang mapasailalim kay Felipe II.

READ
Hepatitis-free fishball para sa Tomasino

Tinutulan din ni Benavides ang paggamit ng dahas upang palaganapin ang relihiyon at maibahagi ang Mabuting Salita. Nagawa rin niyang pangkatin sa apat na diocese ang dating hiwa-hiwalay na mga grupo ng mga Katoliko sa Pilipinas. Naiangat din niya sa Arsobispo mula Obispo ang pamunuan ng Simbahan sa Maynila dahil sa pagkumbinsi kay Haring Felipe II na sumulat sa Santo Papa ukol sa pagbabago.

Ipinaglaban niya ang muling pagbubukas ng Real Audencia o ang mataas na hukuman na tinanggal noong 1590. Tumulong din siya upang mapabuti ang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Mexico.

Hindi rin siya tumigil sa pagbisita sa iba pang probinsya ng mga Dominikano upang manghikayat ng mga paring nais sumama sa Pilipinas. Mula 1595 hanggang 1598, nakapagpadala siya ng tatlong grupo ng mga misyonaryong Dominikano sa bansa.

Pagbalik sa Pilipinas

Dahil sa kasipagan at dedikasyong ipinakita habang nasa España, hinirang siya ni Felipe II bilang unang Obispo ng Nueva Segovia (Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur). Gayunpaman, dahil sa kababaang-loob ng bagong obispo, nahirapan siyang tanggapin ang bagong posisyon. Para kay Padre Benavides, sapat na ang makapaglingkod siya bilang isang pari. Subalit sa kagustuhan na rin ni Santo Papa Clemente VIII, ganap siyang binigyan ng banal na basbas sa Mexico noong 1597, dalawang taon makalipas ang pagkakatalaga sa kanya ng hari.

Matapos ang basbas, umuwi na ng Pilipinas si Benavides, dala ang mas malaking responsibilidad at pagkakataong mas makatulong sa nakararami. Una para sa obispo ang karapatan ng mga katutubo sa kanyang nasasakupan.

Habang nasa Nueva Segovia, pumanaw ang Arsobispo ng Maynila na si Ignacio de Santibañez ng Order of Franciscan Missionaries, kung kaya’t tinalaga si Benavides sa pwesto noong Abril 1602.

READ
A long and winding road

Gayunpaman, nang sumunod na taon pa lang ito nalaman ng karamihan nang ipatawag siya ng Gobernador-Heneral na nakatanggap ng papal bull na nagsasaad ng kanyang paglipat. Hinintay din muna ang pagdating ng pallium o ang simbolo ng kapangyarihan ng isang arsobispo mula sa Santo Papa bago tuluyang tinanggap ni Benavides ang posisyon noong 1603.

Subalit makalipas lamang ang dalawang taon, nagkaroon si Benavides ng malubhang sakit. At sa kanyang nalalapit na kamatayan, ginawa niya ang testamentong nagsasabing gamitin ang kanyang mga ari-arian sa mga banal at mabubuting mga gawain lamang. Ipinagkatiwala niya ito sa mga prayleng sina Domingo de Nieva, Father Prior of Sto. Domingo at Bernardo de Sta. Catalina, Commisary of the Holy Office.

Umabot ng P1,500 ang kanyang mga ari-arian at ito ang nagsilbing pinaka-unang donasyon para sa pagbuo ng isang seminaryo na tinawag nilang Colegio de Nuestra Señora del Santisimo Rosario na binuksan noong 1611 sa Intramuros. Ang kanyang maliit at personal na aklatan naman ang pinagmulan ng kasalukuyang UST Central Library.

Pumanaw noong Hulyo 26, 1605 ang Arsobispong ipinanganak sa Carrion de los Condes, Palencia, España noong 1550. Hindi man nasilayan ang Unibersidad na matagal niyang pinangarap maitayo, patuloy na magsisilbing inspiraspon si Msgr. Miguel de Benavides sa lahat ng mga Tomasino. Jose Teodoro B. Mendoza

Sanggunian: Miguel de Benavides O.P., (1550-1605) Friar, Bishop and University Founder (P. Fidel Villarroel), Who was Miguel de Benavides? (Jose Blanco), Historical Documentary Synopsis of The University of Santo Tomas of Manila: From Its Foundation To Our Day (Juan Sanchez), www.dominicos.org

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.