BAGAMAN mga pari sila, hindi sila ligtas sa mga tukso.
Ipinahayag ito ni Obispo Teodoro Bacani sa isang misa na ipinagdiwang noong Agosto 4 sa Santissimo Rosario Parish bilang selebrasyon sa Week of Prayer and Gratitude for Priests. Nataon ang selebrasyon sa araw ng kapistahan ni San Jean Marie Vianney na siyang patron ng mga kura paroko.
“Ipagdasal niyo na maging matatag, matapat, at mapagmahal kami, tulad ni Vianney,” ani Bacani. “Panghabang-buhay ang bokasyon ng pagiging pari at selibato, kaya kailangan ang dasal laban sa tukso.”
Matatandaan na noong 2003, inakusahan ng pangmomolestya si Bacani ng isa sa mga babaeng empleyado niya. Kasalukuyan ding nasasangkot sa mga iskandalong pampulitika ang ilang mga obispo.
Nilinaw naman ni Bacani na hindi nawawala ang tungkuling panlipunan ng mga pari lalo na sa usapang pananampalataya at moralidad.
Nauna nang pinangunahan ni Papal Nuncio Fernando Filoni ang isa ring misa noong Agosto 1, tatlong araw bago ang kapistahan ni Vianney, sa Central Seminary Chapel. Hinikayat ni Filoni ang mga seminarista na sundin ang halimbawa ni Hesus na siyang asin at ilaw ng sanlibutan.
Misyonerong Dominikano
Samantala, ipinahayag ni Dominican Prior Provincial Fr. Edmund Nantes, O.P. ang anim na magandang balita na nangyari sa mga Dominikano sa misang ginanap noong Agosto 7 sa Santísimo Rosario Parish sa pagdiriwang ng pista ng Santo Domingo, ang pundador ng Order of Preachers o mga Dominikano.
Sa kanyang sermon, binigyang pansin ni Nantes ang patuloy na pagpapadala ng mga Pilipinong misyonerong Dominikano sa Ethiopía, Sri Lanka at Indonesia. Nag-aral ng teolohiya ang karamihan sa mga Dominikanong ito sa Unibersidad.
“Hinihiling ng tatlong bansa na makialam ang Unibersidad sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos, tulad na lamang ng imbitasyong magtayo ng isa pang UST sa Sri Lanka,” ani Nantes. Binigyang-pugay din niya ang dalawang Tomasinong naglilingkod sa Tala Leprosarium sa Caloocan at sa kagubatan ng Amazon sa Peru.
Kinilala din ni Nantes ang pakikipagtulungan ng UST Publishing House sa Dominican Publications sa Dublin, Ireland, sa kanilang paglimbag ng librong Building Bridges: Dominicans Doing Theology Together. Ayon kay Nantes, iba ang librong ito sa ibang libro sa teolohiya dahil pati mga Dominikanong madre at layko nakiambag dito.
“Tanda ng ating pagpapalaot sa seryosong gawaing teolohikal ang paglilimbag ng librong ito,” aniya.
Pinuri rin ni Nantes ang pagpapasinaya sa monumento ni Obispo Miguel de Benavides, ang nagtatag ng UST, sa kanyang bayan sa España, ang pagtalakay ng theological formation ng mga madre, ang isyu ng kahirapan at teolohiya, at ang ika-800 anibersaryo ng pagkakatatag ng unang Dominikanong monasteryo noong 1206 sa Prouilhe, Pransiya.