“Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang.” – Awit 23:1

MAHIRAP maging Kristiyano ngayong ika-21 siglo.

Kasabay ng pag-usbong ng makabagong teknolohiya, dumarami rin ang mga balakid upang lubusang matugunan ang tawag ng Diyos na sumunod sa Kanyang mga yapak bilang mabuting Kristiyano.

Isa sa mga importanteng aspeto ng buhay ang aspetong espiritwal, ngunit napapabayaan na ito ngayon.

Nakakadagdag ang idelohiya na dala ng makabagong teknolohiya upang maisantabi ang pangangailangang espiritwal.

Isang instrumento ang telebisyon upang maihatid ang ideyolohiyang materyalistiko. Bukod sa pangungahing silbi bilang isang libangan, nagiging instrumento na ang telebisyon upang ikalat ang importansya ng mga makamundonng bagay.

Nagpopokus sa materyal at makamundong bagay ang karamihan sa mga palabas sa telebisyon ngayon. Sa pamamagitan nito, nauudyok ang mga tao na mas bigyang importansya ang mga materyal na bagay na hindi naman mahalaga sa paglago nila bilang isang mabuting Katoliko.

Sapagkat madalas tayong mamulat sa ganitong realidad, patuloy na inaasam ang mga materyal na bagay sa pag-aakalang ito ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kasiyahan.

Dahil din sa telebisyon, nakokompromiso ang mabubuting asal. Napapalitan na ang mga ito ng mga pag-uugaling napupulot sa telebisyon na taliwas sa mga itinuro ni Hesukristo.

Ngayon higit kailanman, kinakailangan nating maipaglaban ang mga nakagisnang mabubuting asal at paniniwala na unti-unti nang nawawala o nakakalimutan.

Tunay ngang mas malaki na ang responsibilidad natin ngayon bilang mga Kristiyano. Kinakailangan nating magnilay sa bawat pangyayari ng ating buhay dahil itinuturo nito ang taimtim na pakikinig sa ating mga saloobin at mula dito, magkakaroon tayo ng mas malalim at malinaw na pag-unawa sa ating mga sarili. Gaano man karami ang balakid dulot ng mga makabagong teknolohiya upang mapalayo tayo sa pagmamahal ni Hesukristo, importanteng manatili tayong matatag sa ating pananampalataya dahil ito ang tunay na makapagbibigay ng makabuluhang buhay. Edsel Van dT. Dura

READ
Surviving a libel suit

Panalangin: Panginoon, tunay ngang maraming salik ang humahadlang sa amin upang mapalapit sa Iyo. Hinihiling namin na bigyan mo kami ng matatag na pananampalataya upang malampasan ang ano mang balakid na naglalayo sa atin. Sa’yo lamang kami mananalig ng buong puso. Amen.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.