Tokhang ang Salita ng Taon sa Sawikaan 2018

0
16485
(Dibuho ni Nikko A. Arbilo/The Varsitarian)

HINIRANG ang “tokhang” bilang salita ng taon sa Sawikaan 2018 na ginanap sa Institute of Biology sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman noong ika-26 ng Oktubre.

Inilahok ng mamamahayag na si Mark Angeles ang salitang ito na hango sa salitang Cebuano na “toktok” o katok at “hangyo” o pakiusap.

Naging madalas ang paggamit ng “tokhang” mula nang ilunsad ng Philippine National Police ang “Oplan Tokhang” noong 2016. Ito ang pagbisita ng mga pulis sa mga bahay ng mga pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng ilegal na droga upang kumbinsihin sila na itigil na ang gawaing ito at makipagtulungan sa pamahalaan.

Talamak man ang paggamit ng salitang “tokhang,” iginiit ni Angeles na hindi pa rin mulat ang publiko sa implikasyon nito sa bansa.

“[G]inagamit ang salitang tokhang ng maraming nang hindi iniisip kung ano ba talaga ang dinudulot nito sa mas maraming bilang ng tao,” wika ni Angeles sa isang panayam sa Varsitarian.

Ayon kay Romulo Baquiran, Jr., tagapangulo ng Filipinas Institute of Translation (FIT), hindi lang wika ang tinatalakay sa Sawikaan kundi ang konteksto na kaakibat ng bawat salita.

“Hindi lang parang reflection [kundi] isang paraan para maintindihan ang mga isyu na mayroon palang paliwanag sa mga salita na parang tinitignan lang na karaniwan,” wika ni Baquiran sa isang panayam.

Dagdag pa ni Baquiran, nakatuon sa politika ang karamihan sa mga salita ngayong taon na hindi maikakaila dahil sa mga nagdaang isyu ng bansa sa nakaraang dalawang taon.

Iginawad naman ang ikalawang puwesto sa salitang “fake news.” Sinundan ito ng salitang “Dengvaxia,” ang bakuna laban sa dengue virus.

“Quo Warranto,” “Federalismo,” “Foodie,” “Diláwan,” “TRAIN,” “fake news,” “DDS,” “troll,” at “resibo” ang iba pang lahok na salita.

Pinipili bilang nominado ang mga salita kung ito ay bagong imbento, bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika, o luma ngunit may bagong kahulugan.

Ang “Sawikaan: Salita ng Taon” ay pinangunahan ng FIT, katuwang ng Komisyon sa Wikang Filipino at UP Diliman Information Office.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.