Dibuho ni Carla T. Gamalinda
Kakaiba ang kadiliman sa gabing ito: walang buwan at wala ring mga bituin. Puro ulap ang naghahari kasabay ang malamig at malakas na ihip ng hangin. Bihira kasi ang ganitong pagkakataon sa tuwing tag-init.

Dapat sana sinasamantala ko ang lamig ng gabing ito. Gusto ko na ngang mahiga sa kama at ipikit ang aking mga mata. Kaya lang hindi pupuwede kasi nandito ako ngayon sa terasa namin, nagsasampay kasama ni Mama.

Kung bakit kasi pumayag pa akong tulungan siyang ipanik dito ang mga labahin. Ang paki-usap niya lang kasi kanina ay tulungan ko siyang maglaba. Kaso nadaya na naman niya ako. Kaya heto, no choice na ako. Tinutulungan ko na rin siyang magsampay.

Kahit medyo labag sa kalooban ko itong pinapagawa niya sa akin, ok na rin kasi dagdag tulong ko na ito kay Mama. Papaano kasi, mula kaninang umaga, siya na ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Isa pa, ginagawa ko na talaga ito kapag nadadatnan kong nagsasampay si Mama tuwing gabi, lalo na’t ganitong wala akong ginagawa.

“Ma, bakit ba ngayong gabi ka naglalaba e obvious namang walang araw,” pabirong tanong ko sa kanya.

“Kung ipagpapaliban ko pa mamayang umaga ang paglalaba sa mga ito, madadagdagan lang lalo. Isa pa, marami akong ginagawa sa umaga.”

Inaasahan ko nang ganoon ang sagot niya. Kapag ganito kasing pagod siya, nawawalan na siya ng sense of humor. Pero kahit ganoon, ayokong masayang ang bonding moment namin ngayon.

“Ok, kung iyan ang dahilan mo kung bakit ngayon ka naglaba, bahala ka. Pero bakit nga gabi ka nagsasampay?” Nakangiti pa ako sa kanya habang sinasampay ang pantalong hawak ko.

Palagi na lang ganoon si Mama. Madaming pagkakataong hindi niya ako sinasagot kapag nagtatanong ako. May ilang beses din na kinukulit o nilalambing ko siya pero talagang hindi niya ako pinapansin. Minsan tuloy iniisip kong binabalewala niya na lang ang ganitong maliliit na ginagawa ko para sa kanya. Hindi naman ako insensitive. Alam ko naman kung kailan pupuwedeng makipagkulitan sa kanya at kung kailan dapat maging matino sa harap niya.

Kaya lang, may mga pagkakataon talagang hindi ko maintindihan si Mama. Minsan kapag nagpapaalam ako sa kanya sa mga lakad ko, humihindi na lang siya agad ng walang dahilan. Kapag nanghihingi naman ako ng paliwanag kung bakit ayaw niya, magagalit na lang siya. Hindi ko tuloy alam kung galit ba siya o pangit lang ang timing ko. Pero ang pinakamasakit na naisip ko, baka wala lang talaga siyang pagpapahalaga sa mga ginagawa ko.

Grade Five ako noon ng dalawang linggo akong nag-ipon ng baon upang makabili lang ako ng regalo para kay Mama. Gusto ko kasi siyang bilihan ng chocolates na nasa hugis pusong lalagyanan. Bumili din ako ng malaking birthday card para sa kanya. Pinasulat ko doon sila Papa, sila Tita, at ilang kaibigan ni Mama.

Aminado akong nahirapan ako sa pag-iipon para sa regalo ni Mama. Abot-tainga ang ngiti ko habang binabalot ko na ang espesyal na regalo ko sa kanya. Sigurado kasi akong masisiyahan si Mama sa ibibigay ko.

Nasorpresa nga si Mama sa regalo ko sa kanya. Kaya lang, mas nasurpresa ako sa ginawa ni Mama sa mga regalo ko.

“Mik-Mik hindi ba diabetic si Mama? Bakit chocolates ang iniregalo mo sa akin? Mahinhing tanong niya.

“E kasi Mama sweet ‘yan, parang ako,” sagot ko. Nangiti lang siya sa akin.

“’Tsaka Mama, may malaking birthday card pa ‘yan! Puwede mong i-display sa table mo sa office,” bida ko habang inaalis niya sa envelope ang regalo kong card.

“Ok lang, sige paalala mo sa akin para madala ko sa office bukas.”

“Mama, masaya ka ba sa mga gifts ko?”

READ
The real Pinoy TV

“Oo naman. Kaya lang gumastos ka pa.”

“Ok lang ‘yon Mama, para sa iyo naman e. Tsaka may natira pa naman akong ipon sa baon ko.”

“Ganun ba? E ‘di parang ako lang din ang bumili ng sarili kong regalo? Ako nagbibigay ng baon mo e!”

Kahit natatawa si Mama sa sinabi niya, ni isang ngiti hindi ko nagawa.

Natapos ang kaarawan ni Mama at naiwang frozen sa refrigerator namin ang regalo kong chocolates. Ilang araw pa, naubos ang mga laman nito. Pero alam kong hindi si Mama ang kumain ng laman noon kundi ang Kuya kong matakaw sa chocolates. Nang wala na ang laman, nawala na rin ang lalagyang hugis puso. Baka itinapon na rin niya kasama ang birthday card na ipinangako niyang dadalhin niya sa office nila.

Noong nakaraang pasukan, tuwang-tuwa ako nang manalo ako sa isang inter-school essay writing contest. Freshmen lang ako noon at puro mas matatanda sa akin ang kalaban ko. Ikalawang gantimpala lang ang nakamit ko pero masayang-masaya pa rin ako.

Pinagmalaki ako ng aming kolehiyo dahil sa pagkapanalo kong iyon. Pati ang mga guro ko’t kamag-aral ay masaya para sa akin. Lalong ikinasaya ng mga kapamilya ko ang aking pagkapanalo dahil malimit sa angkan naming puro accountants ang nananalo sa mga writing contest gaya ng sinalihan ko.

“Kung pinagbutihan mo pa sana, baka hindi lang second place ang nakuha mo,” ani Mama sa gitna ng mga papuring nakuha ko mula sa mga kamag-anak namin.

Alam kong masaya rin para sa akin si Mama. Pero napinid ang saya ko dahil sa sinabi niya. Parang gaya lang noong nakaraang semester, ibinalita ko sa kanya na matataas ang grades ko sa mga major subjects namin.

“Wala ka naman sa dean’s list kahit matataas ang mga iyan,” sabi ni Mama. Tumahimik na lamang ako at pumasok sa kuwarto ko.

Hindi pa rin ako sinasagot ni Mama kaya ipinagpatuloy ko na lang ang pagsasampay. Itong hawak kong shorts, remembrance ng huling pagtatalo namin ni Mama. Papaano kasi, ito ang pinagpilitan niyang ipasuot sa akin sa pupuntahan kong swimming. Ayaw niya kasi iyong swimsuit na gusto ko. Kaya ka-partner ng puting t-shirt, wala akong nagawa kundi isuot ito. Hindi niya na raw kasi ako pasasamahin pa kung ipagpipilitan ko pa ang gusto ko.

Ewan ko ba. Hindi naman mahalay ang swimsuit na gusto ko, pero umayaw na lang agad si Mama doon. Nang tinanong ko siya kung bakit ayaw niya, “Basta ayaw ‘ko. Alam ko ang hindi puwede sa’yo.” ‘Yun lang ang sagot niya.

Hindi ko maikakailang naiinis ako sa ganoong sagot ni Mama sa akin. Kahit pa alam kong mothers know the best for their children, naguguluhan pa rin ako minsan kung bakit umaayaw na lang siya ng basta-basta. Handa naman akong sundin siya. Kaya lang, gusto ko sanang ipaliwanag niya sa akin kung bakit hindi siya sumasang-ayon nang sa gayo’y hindi ko na siya kukulitin pa.

Gayunpaman, kahit minsan sumasama ang loob ko kay Mama, hindi ko magawang suwayin siya o tuluyang mag-rebelde sa kanya. Alam ko kasi kung minsan na may mali din akong nagawa. Isa pa, hindi ko kayang iwan si Mama. Hindi ko alam kung takot ang rason ko kung bakit hindi ko iyon magawa. O dahil, mahal ko si Mama.

“Ma, naririnig mo ba ‘ko?” Nagsasampay pa rin siya.

“Ha? Ano ‘yon?” Napabaling siya sa akin.

“’Ka ko, bakit ngayong gabi tayo nagsasampay? ‘Di ba minsan binababad mo muna ‘yung mga labahin tapos tsaka mo isasampay? ‘Di ba Ma, ‘di ba?” Tanong kong muli habang pinapagpag sa harap niya ang basang damit na hawak ko.

“Ay Mik-Mik! Nababasa ako! Ikaw talaga o.” Binasa niya ako gamit ang kaunting tubig ng batyang hawak niya. Hindi pa rin niya sinagot ang tanong ko.

READ
PT now Center of Dev't

***

Sa tatlo kong mga anak, tinuturing kong pinakamalambing si Mikaela. Siya lang kasi sa kanila ang madalas na nagkukusang tulungan ako sa mga gawaing bahay. Kahit minsan alam kong may ginagawa siya, basta’t nakita na niya akong tapos na maglaba, agad na siyang lalapit para tumulong magsampay. Kaya ganito na lang ang kagustuhan kong magsampay tuwing gabi upang makasama siya.

Siya lang ang gumagawa sa akin ng ganito. Palibhasa’y siya lang ang anak kong babae kaya naiintindihan niya ang mga ginagawa ko. Pero kahit babae siya, daig pa niya ang kanyang Kuya at bunsong kapatid pagdating sa kakulitan.

Madalas siya lumalapit sa akin ng pabigla-bigla na akala ko’y may kailangan. ‘Yun pala, yayakap lang siya sa akin. Minsan naman mangungulit siya para lang maglambing. Hilig niya akong asarin hanggang sa hindi na ako natutuwa. Pero malimit mangyari iyon dahil hindi natataon na mainit ang ulo. Bukod dito, siya lang sa kanilang magkakapatid ang madalas na nakikipagkuwentuhan sa akin tungkol sa iba’t-ibang bagay sa buhay niya, intelekwal man o pawang kalokohan lang.

Hanggang ngayon, siya pa rin sa mga anak ko ang patuloy na ‘di nakalilimot tuwing kaarawan ko. Hindi pupuwedeng wala siyang regalo sa akin. Kahit noong nasa elementary pa lang siya, gawain na niyang ipunin ang baon niya maibili lang ako ng regalo.

Naaalala ko nga ng bigyan niya ako ng tsokolate at malaking card noong kaarawan ko. Bagaman ang Kuya niya ang umubos ng mga tsokolate dahil bawal sa akin ang masyadong matamis, itinabi ko ang lalagyanan nitong hugis puso. Mula noon, doon ko na iniipon ang mga pinagbalatan ng lahat ng regalo niya sa akin. Iyong malaking card naman, ginawa ko ding lalagyanan ng lahat ng mga cards at sulat na ibinigay niya para sa akin anuman ang okasyon.

Pati iyong kopya ng essay na ipinanalo niya kamakailan ay inilagay ko doon. Anong tuwa ko ng manalo siya! Parang natupad niya kasi ang pangarap ko noon na manalo din sa timpalak-panulat na gaya ng sinalihan niya. Masayang-masaya talaga ako para sa kanya.

Hindi nga ako makapaniwala na sa edad niyang iyon natalo niya ang mga kasali na mas matanda pa sa kanya. Kaya lang, gaya nga ng sabi ko sa kanya noon, kung pinagbutihan niya pa, baka sakaling nakuha niya pa ang unang gantimpala. Noong sinabi ko iyon sa kanya, hindi yata siya natuwa. Nasabi ko lang naman iyon para sa susunod na writing contest na sasalihan niya, mas pagbubutihin niya pa.

Noong nakaraang semester, ipinagmalaki niya sa akin na matataas ang grado niya sa mga major subjects niya. Gayunpaman, hindi siya nakaabot sa dean’s list. Hindi ko ikinatuwa iyon. Alam ko kasing matalino si Mik-Mik at tiwala akong kaya niya pang pataasin ang grades niya para masama sa dean’s list. Pinalaki ko siyang palaging may pamantayan sa buhay kaya’t alam kong pipilitin niya itong maabot o malagpasan pa.

Negative reinforcement ang tawag ko sa pagpapalakaing ito. Naniniwala kasi ako na kung tulad ko ang ibang mga magulang na puro papuri ang binibigay sa kanilang mga anak, lalaki ang mga anak ko na naniniwala sa sarili nilang lagi silang magaling. Magiging palalo lamang sila. Isa pa, ang paraan kong ito ang patuloy na nagbubuhat sa kanila para mas lalong magpursige sa buhay: para maging independent sila at palaban.

Ayoko kasing matulad sila sa kapatid ko. Kahit alam ng buong pamilya na tunay ngang may galing ang bunso namin, palagi pa rin siyang pinupuri ng aming magulang. Madalas siyang sinasabihan na siya ang pinakamatalino sa aming lahat. Malaking pagpapahalaga ang pinadadama ng mga magulang namin sa tuwing nakakakuha siya ng karangalan. Malimit naman siyang masita kapag nakagawa siya ng kasalanan. Samantalang kaming mga kapatid niya, sobra kung ipangalandakan n gaming magulang ang kamalian naming nagawa.

READ
Price of education 5.5% higher

Resulta, sa aming magkakapatid, siya lang ang lumaking walang alam sa buhay. Kahit ngayong may kanya-kanya na kaming pamilya, patuloy siyang nakadepende kila Nanay. Ayaw niyang maghanap ng trabaho dahil alam niyang kaya pang buhayin ng mga magulang naming ang kanyang pamilya. Hanggang ngayon, napako siya sa kaisipan na tunay siyang magaling pero kung tutuusi’y hindi naman talaga.

Kaya ganito na lang ang prinsipyo ko sa pagpapalaki kila Mik-Mik. Noong una, alam kong hindi nila maunawaan kung bakit ko sila tinatrato ng ganoon. Akala nila’y hindi ko pinahahalagahan ang mga karangalang nakakamit nila. Pero di-kalaunan, naging malinaw din sa kanila ang ginagawa kong iyon.

Bukod dito, binigyan ko din ng laya ang mga anak ko na makipag-usap sa amin kung may problema man sila. Si Mik-Mik ko ang madalas tumatangkilik sa layang ito. Madalas iya akong tanungin ng mga bagay-bagay na nais niyang maintindihan.

Kaya lang nasasagad ang pasensya ko sa batang ito kung minsan. Habang lumalaki siya, lalong lumalakas ang tapang niya na humingi ng paliwanag sa akin ukol sa mga bagay-bagay. Lalung-lalo na sa tuwing nagtatalo kami sa gusto’t ayaw ng isa’t-isa.

Siya lang sa mga anak ko ang naglalakas-loob na tanungin ako kung bakit hindi ako pumapayag sa mga gusto niya. Palagi siyang nanghihingi ng dahilan kapag hindi ko siya sinasang-ayunan. Sabi nga nila, “ang batang matanong, matalino.” Pero kung ang batang matanong ay ang Mik-Mik ko, napapalitan ang kasabihang ito ng “ang batang matanong, matigas ang ulo.”

Kapag ganoong makulit na siya, hindi na lang ako sumasagot. Minsan kasi hindi ko na rin alam ang isasagot ko sa kanya. Minsan naman, kung anu-ano na lang ang naisasagot ko sa kanya. Nagdadalawang-isip tuloy ako kung tama ba ang isinagot ko o hindi. Sigurado kasi akong may kasunod na katanungan siya.

May mga pagkakataon ring hindi ko talaga alam ang isasagot ko. Hindi ko kasi kayang maipaliwanag sa kanya. Hindi ko alam kung papaano ko sasabihin sa kanya. Ang alam ko lang, nararamdaman ko sa puso ko bilang ina ang dapat kong isagot sa kanya.

Parang ngayon. Alam kong ang dahilan ko kung bakit ngayon ako nagsasampay ay dahil ngayon din ako naglaba. Hindi kasi makatuwirang ipagpaliban ko pa ang pagsasampay ko. Kaya lang, bukod sa rason kong ito, alam kong mayroon pa talaga akong malalim na dahilan kung bakit sa gabi ako nagsasampay.

Sa pagsasampay ko lang kasi nakakasama ng ganito si Mik-Mik. Sa mga pagkakataon kong ito mas nararamdaman ang kuneksyon ko sa aking anak bilang kanyang ina. Bukod sa kasiyahang dulot sa akin ng pag-uusap namin tuwing nagsasampay kami, hindi ko maikakaila na mas tumitindi pa ang pagmamahal ko sa kanya.

“Ayan Mama, tapos na tayong magsampay,” nakangiti niyang sabi sa akin. Nabaling ang tingin ko sa mga sinampay at napatingin ako sa kanya.

“Kaya lang hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko kung bakit sa gabi tayo nagsasampay. Bakit kasi tuwing gabi ka nagsasampay at hindi sa umaga? Puwede namang sa bandang tanghali kapag mataas yung araw o kaya sa hapon kapag pababa na yung araw, para ‘pag natapos ka na mapapanood mo pa ‘yung sunset.”

Tinitigan ko siya. Makulit talaga ang batang ito, naisip ko.

Inilapag ko ang hawak kong batya at hinagkan siya kahit basa ang aking mga kamay. Bagama’t nagulat siya, alam kong naiintindihan na niya ang sagot sa kanyang katanungan. Julie Ann Dominique P. De Leon

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.