Saan na kaya pupulutin ang bansa ilang buwan mula ngayon? Sa dami ng problemang kinakaharap ng bansa hindi lamang sa pulitika pati na sa ekonomiya, dagdag pa ang magkakasalungat na pananaw ng liderato at ng mga mamamayan, tila sakit lang ng ulo ang mapapala natin sa pag-iisip kung may patutunguhan nga ba ang lahat ng ito.

Marami na rin sa atin ang nagwawalang-bahala na lamang, o tila’y nagpapakamanhid na kabila ng mga problema ng bansa, marahil dahil sawa na sila sa pakikinig sa mga “bangayan” at iringan ng mga pulitikong may iba’t iba ring motibo. Hindi ko rin masisisi kung ganun na lang ang pagwawalang-bahala ng iba sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa; sa hirap ba naman ng buhay sa ngayon at sa dami rin ng problemang kinakaharap ng bawat isa sa atin, mas nanaisin ng iba na huwag na lang “makigulo” at alalahanin pa ang problemang sa palagay nila ay wala naman silang kakayahang ayusin.

Ang iba naman, nananatiling walang kinikilingan o pinaniniwalaan, hindi dahil wala silang pakialam, kundi dahil wala na rin silang tiwala sa liderato, o di kaya’y naiwan silang nalilito sa gitna ng pagbabatuhan ng akusasyon ng nagkabilang panig sa isa’t isa. Paniwala din ng ilan na wala namang silbi ang pagpapalit ng pinuno ng bansa kung wala rin namang namamataang karapat-dapat para sa posisyong ito.

Hindi na rin madaling makita kung nangyayari ang lahat ng ito para sa ikabubuti nga ba ng bansa, o para lamang sa personal na interes ng iilan. Dagdag pa dito ang mga bagong ipinakikilalang paraan umano upang malampasan, o di kaya’y “matakasan” ang gulong kinanalagyan ng bansa ngayon, na lalo lamang nakapagpapalito sa karamihan, marahil sa intensyon na ring ilayo ang usapan sa tunay na dahilan nito at sa tunay na isyu.

READ
Memorable memories in UST

Higit na mahalaga sa ngayon ang pag-iisip sa kinabukasan ng bansa. Siguro nga’y kailangang magbigay-daan para sa mga bagong ideya at paraan sa paglutas sa kabit-kabit na suliraning ito, ngunit pinakamahalagang pag-aralan muna kung ito nga ang pinakamahusay na solusyon sa pagunahing problema. Pero bago ang lahat, dapat munang mapagkasunduan kung ano nga ba ang pangunahing problemang ito.

Kung tutuusin, tama din ang sinasabi ng iba na maaaring ang mga tao mismo ang problema. Marahil dapat munang isantabi ang pansariling interes para sa ikabubuti ng marami. Kahit mukhang malabo ngang magkaisa ng pananaw ang nakararami, sigurado naman na ang dapat isaalang-alang ng lahat ay ang patutunguhan ng bansa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.