MULING namayagpag ang mga Tomasino sa Nursing, Nutrition, at Pharmacy licensure examinations noong Hunyo at Hulyo.

Sa 388 na estudyante mula sa Unibersidad na kumuha ng Nursing exams, 372 ang pumasa. Mula sa 95 porsiyento noong isang taon, nakakuha ang UST ng 95.87 porsiyentong antas ng pagpasa.

Samantala, apat ang nakasama sa unang 20 ng Pharmacy examinations. Naka-abot sina Dixie Pritzel Calpatura (91.25 porsiyento), Jesson Jose Mendigorin (90.83 porsiyento), Ryan de Leon (90.53 porsiyento) at Ma. Marylaine Dujuco (90.50 porsiyento), sa ika-pito, 10, 13, at 14 na puwesto.

Tatlong Tomasino naman ang napabilang sa Top 10 ng Nutrition and Dietetics examinations. Nakuha ni Maria Francia Barela ang ika-limang pwesto samantalang nakuha naman nina Faye Michelle Mendoza at Irene Valones ang ika-anim at ika-10 pwesto.

Ayon kay Dr. Jose Dakila Espiritu, assistant dean ng College of Education, nalulugod sila na matapos ang tatlo hanggang apat na taon, muli na namang nagkaroon ng tatlong topnotchers sa departamento ng Nutrition and Dietetics ng Unibersidad.

Sa 66 na Nutrition students na kumuha ng board exams, 52 ang pumasa, kumpara noong nakaraang taon na 45 lamang ang pumasa.

Sa kabila ng mas mataas na resulta ng board noong nakaraang taon, nais pa rin ng dean ng College of Nursing (Nursing) na paigtingin ang review ng mga examinees upang lalo pang tumaas ang passing rate ng Unibersidad.

“Masaya ako para sa mga pumasa pero alam kong mapapabuti pa namin ito,” ani Nursing Dean Glenda Vargas.” Aayusin pa namin lalo ang review, as intensive as possible.”

Bagamat mataas ang porsyento ng pagpasa ng Unibersidad, 16 ang bumagsak sa Nursing Board ngayong taon kumpara sa 6 noong huli.

READ
Pag-usbong ng 'indie' films

Ang national passing rate ay 49.40 porsyento, mas mataas kumpara sa 36.76 porsiyento noong huling taon.

Ayon kay Nursing faculty secretary Jose Ricarte Origenes, hindi naglabas ang Professional Regulation Commission ng topnotchers sa Nursing Licensure Examinations dahil hindi na patas ang labanan ngayon.

“Marami nang doktor na kumuha ng Licensure,” ani ni Origenes. “Unfair na sa nursing students dahil syempre mas marami na silang pinag-aralan kumpara sa mga estudyante.”

Tumaas ang bilang ng mga kumuha ng Licensure Exams ngayong taon. Kumpara sa halos 3,100 na kumuha (1,150 ang pumasa) noong nakaraang taon, 26,000 ang kumuha ng board licensure exam noong Hunyo (12,843 ang pumasa).

Samantala, nakakamit uli ng 79 porsiyentong passing rate ang Unibersidad sa Pharmacy licensure exams, katulad ng nakaraang taon.

Ayon kay Priscilla Torres, dean ng Faculty of Pharmacy, ito ang pinakamamabang antas ng pagpasa na nakamit ng Unibersidad sa naturang pagsusulit.

“Dati-rati hindi bumababa sa 90 porsiyento ang passing rate namin,” ani Torres.”I am very disappointed.”

Sinabi ng dekano na papaigtingin nila ang review classes upang maiangat muli ang antas ng pagpasa. Binabalak ni Torres na isama ang review course sa second-semester curriculum ng mga graduating students.

“Inaasahan ko na sa pamamagitan nito, magkakaroon kami ng mas magandang passing rate sa susunod na taon,” sabi ni Torres.

Subalit kahit mababa ang naging resulta ng mga pasado sa board exam, nanguna pa rin ang Unibersidad sa mga pamantasang may higit 100 examinees. Sa 227 na estudyante ng Unibersidad na kumuha ng pagsusulit 180 ang pumasa. Samantala sa pambansang estadistika, sa 1,593 na estudyante, 892 ang nakapasa, na bumubuo sa 60 porsiyentong passing rate. April Dawn Jennifer C. Adriatico, Joanarc T. Villaflor at Jianne dL. Yamzon

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.