BILANG isa sa mga institusyong nangunguna sa larangan ng agham at teknolohiya, mapa-edukasyon man o praktikal na medisina, hindi nakagugulat na sa University of Santo Tomas Hospital (USTH) matatagpuan ang Benavides Cancer Institute (BCI) ang pinakaunang institusyon sa bansa na naglalaman ng lahat ng mga makabagong kagamitan at pasilidad na kinakailangan upang masuri at mapagaling ang isang maysakit na kanser.
Mahigit 350 milyong piso ang halagang nagastos sa pagpapatayo ng BIC, na opisyal na pinasinayaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong ika-7 ng Agosto, 2006. Isa lamang ang Linear Accelerator (Linac), ang makinang nagpapakawala ng radiation beams na dumidirekta sa mga lugar kung saan naroon ang mga cancer cells upang puksain ang mga ito, sa mga makabagong kagamitang ipinagmamalaki ng BCI.
Ngunit hindi naging madali ang pinagdaanan ng USTH upang tuluyang magkaroon ng isang malaking institusyong tumutugon para lamang sa mga may sakit na kanser. Bago ito maging isang gusali, nagsimula muna ito sa pagiging isang munting klinika para sa kanser.
Mga klinikang pangkanser lamang ang tanging sandigan ng mga pasyenteng nagnanais na gumaling sa kanilang nakamamatay na sakit noong wala pa ang mga institusyong gaya ng BCI. Bago pa man magsimula ang giyera, naitatag na ang kauna-unahang klinikang pang-kanser sa San Juan De Dios Hospital. Dahil na rin sa giyera kung bakit hindi ito nagtagal.
Noong 1946, naitayo ang kasalukuyang USTH. Sa pangangasiwa nina Dr. Antonio Gisbert at Dr. Manuel D. Peñas, umusbong ang isang panibagong klinikang pang-kanser. Makalipas ang anim na taon, natigil din ang operasyon nito sanhi ng pagkamatay ni Dr. Peñas.
Bilang resulta ng pangangailangan ng isang panibagong klinikang pang-kanser at ng higit na malaking lugar para sa mga magiging pasyente rito, naitayo noong Oktubre 1957 ang Cancer Clinic and Tumor Registry na matatagpuan sa isang kanto ng Out-patient Department ng USTH. Sa pangangasiwa nina Dr. Antonio Gisbert, dating katuwang na dekano ng Kolehiyo ng Medisina, at Elias Pantangco, katuwang na pinuno ng Departament of Pathology, ito ang nagsilbing pangalawang klinikang pangkanser ng ospital, matapos maipatigil ang operasyon ng dating cancer clinic.
Bunga ng kakulangan sa pondo, umasa ang naturang klinika sa mga donasyong ibinibigay ng iba’t ibang organisasyong pang-medikal gaya ng UST Medical Association, at ng Philippine Medical Women’s Association, na noo’y nagbigay ng isanlibong pisong nailaan para sa ilang tokador at isang lamesang pangsuri. Hindi naman nawalan ng mapangaraping mga programa ang klinika, gaya ng pagbabahagi ng mga impormasyon sa publiko ukol sa mga sintomas ng sakit na kanser at kung paano makaiiwas dito, kahit may malaking kakulangan ito sa pondo. Ipinagmamalaki nila noon ang pagkakaroon ng mga magagaling na miyembrong mula sa Faculty of Medicine and Surgery, na bihasa sa pagpapagaling ng sakit na kanser.
Sa isang panayam ng Varsitarian noong 1957 kay Pantangco, sinabi niyang ang klinika ay itinatag para tumugon sa mga mahihirap na pasyenteng may kanser, maging taga-Maynila man o taga-probinsya. Naniniwala siyang uunlad pa ang klinika upang magsilbi at tumanggangap ng mga pasyenteng mayroon nang sakit na kanser, o pinagsususpetiyahan pa lamang, para sa maagang pagsusuri at gamutan.
Kumpletong kagamitan, pasilidad at mga bihasang doktor — hindi na mahihirapan ang mga maysakit na kanser pagkat ang lahat ng kinakailangan nila upang mapabuti ang kanilang karamdaman ay matatagpuan na sa iisang gusali.
Ang Benavides Cancer Institue ang katuparan sa mahigit 50 taon na paghihintay ng mga nagtaguyod ng dating abang Cancer Clinic and Tumor Registry.
Tomasalitaan:
Hamit (pangngalan) – kilos na ikasasanhi ng gulo; hamon.
Halimbawa: Hindi akalain ni Ed na ang pagyayaya niya ng biruang suntukan sa kabarkada si Boogie ay isa palang hamit na magdadala sa kanya sa kulungan.
Sanggunian:
The Varsitarian Tomo: 29 Blg.10, Nobyembre 1957
The Varsitarian Tomo: 78 Blg. 4, 12 Setyembre 2006