HINDI naging hadlang ang edad ng isang Tomasinong ballerina upang makamit ang kauna-unahang silver medal ng bansa sa isang pandaigdigang kumpetisyon sa ballet.
Nanalo si Christine Rocas, 18, at alumna ng UST High School, sa ikawalong New York International Ballet Competition (NYIBC) sa Estados Unidos. Ipinagkaloob din kay Rocas ang Arpino Award kasama ang scholarship sa Joffrey Ballet, isang prestihiyosong ballet company sa Chicago.
Walang nagkamit ng gold medal samantalang napunta ang bronze medal sa Hapon na si Hanae Seki.
Maliban sa kanyang guro na si prima ballerina Lisa Macuja-Elizalde na nagkamit ng parangal sa Asia-Pacific International Competition noong 1987, si Rocas lamang ang nabigyan ng parangal sa isang pandaigdigang kumpetisyon ng ballet sa kasaysayan ng bansa.
Ayon kay Macuja-Elizalde, isang patunay ang panalo ni Rocas na kayang higitan ng isang estudyante ang galing ng kanyang guro.
“Ang talagang nakatulong kay Christine ay ang pagsasanay niya sa Ballet Manila, kung saan halos 300 pagtatanghal ang ginaganap taun-taon,” aniya.
Ani Rocas, hindi nya inaasahan ang parangal sapagkat nakababata siya kumpara sa mga ibang mananayaw sa kumpetisyon.
“Marami ang mas bihasa sa akin doon sa kumpetisyon,” ani Rocas. “Sa tingin ko ang pagsayaw ko sa abot ng aking makakaya at pag-enjoy sa aking pagsayaw ang napansin ng mga hurado.”
Bago siya lumipad papuntang Amerika, sumailalim si Rocas sa isang matinding pag-eensayo. Araw-araw sinanay ni Macuja-Elizalde si Rocas at ang kanyang kapareha na si Francis Cascaño sa mga ballet basics at hinasa rin sila sa pag-arte at mabilis na pagsaulo ng mga sayaw.
Batay sa alituntunin ng NYIBC, hindi ipinapaalam sa mga kalahok kung ano ang sasayawin. Sa kumpetisyon pa lamang ituturo ang sayaw sa mga kalahok. Bukod sa mahihirap na steps na kailangang isaulo ni Rocas sa loob ng tatlong linggo lamang, kailangan din niyang bantayan ang kanyang timbang.
Miyembro si Rocas ng Ballet Manila kung saan siya pormal na nagsanay ng ballet mula pa noong siya’y 10 taong gulang.
Ang parangal mula sa NYIBC ang unang parangal na natanggap ni Rocas sa pagsasayaw.
Samantala, nagpasya si Rocas na tanggapin ang isang taong kontratang natanggap niya mula sa NYIBC. Sa Chicago na niya ipagpapatuloy ang pagsasanay sa ballet.
“Nagdalawang isip muna ako kung itutuloy ko (ang pag-aaral sa Joffrey),” sabi ni Rocas. “Pero ang oportunidad na ganito ay bibihira lang dumating at masuwerte ako dahil sa akin nangyari ito.”
Bago umalis si Rocas bago matapos ang buwan, magtatanghal ang Ballet Manila ng “Swan Lake” kung saan siya ang gaganap na pangunahing mananayaw.