SALA-SALABAT na pasasalamat ang aming ipinaaabot sa lahat ng mga Tomasinong makata, kuwentista, sanaysayista at mandudula na nagpadala ng kanilang mga lahok sa Ika-17 Gawad Ustetika Para sa Panitikan. Patotoo ito sa paniniwala ng Varsitarian na malusog na malusog ang panulat at panitikan sa Unibersidad, taliwas sa akala ng nakararami.
Sa taong ito’y umabot sa halos 100 mga lahok ang maglalaban-laban—marahil, siyang pinakamarami sa loob ng nagdaang limang taon. Isa itong tagumpay para sa mga manunulat sa loob ng Unibersidad. Mabuhay tayong lahat na nananalig sa pagiging matapat ng salita! Magkita-kita tayong lahat sa gabi ng parangal sa Dis. 15.
* * *
Nakisiksik ako, kasama ng ilang mga manunulat ng Varsitarian upang mag-cover sa lamay ng nasirang aktres na si Nida Blanca. Matapos naming makumpirmang nag-aral nga ang Marsha ng sitcom na John en Marsha sa ating Unibersidad, di kami nag-atubiling kahit sa huling sandali’y maipaabot sa kanyang pamilya ang pakikiramay ng kanyang kapwa Tomasino. At gaya nga ng inaasahan, mistulang premiere night ng isang pelikula ang maikling lamayan. Ang tahimik na kapaligiran ng White Plains ay nagmukhang Luneta sa dami ng taong nais na magbigay-galang sa mga labi ng aktres. Ang ilan ay nag-dyip nang sabay-sabay, at di inalintana ang iba pang mga kasabay. Ang iba nama’y naghintay upang makita lamang ang mga artistang bumibisita kina Nida. Naghintay kaming makakuha ng balita o makakuha ng panayam mula sa mga kaibigan at kamag-anak ni Nida, kahit naghigpit sila noong gabing iyon sa mga kawani ng media. Marahil, pagod na pagod na ang mga itong magpaliwanag sa mga mamamahayag na ginagawang circus ang karumal-dumal na krimeng naganap. Di iilang beses na isinangkot sa pagpatay ang mga kapamilya ni Nida.
Ngunit mukhang kaabang-abang talaga ang mga susunod na kabanata. Sa mga pinakahuling pangyayari, mukhang masasabit sa kaso ang asawa ng nasirang aktres na si Rod Lauren Strunk. Parang alam ko na ang susunod.
* * *
Saan hahantong ang mga tagpong ito?
* * *
Laking saya marahil ng napakaraming Afghan nang umurong na ang mga buntot ng Taliban at tuluyan nang mapasakamay ng Northern Alliance ang kabiserang Kabul. Sa mga pinkahuling mga larawan, nakita ng buong daigdig ang kakaibang bagsik ng pinagsama-samang lakas-militar laban sa terorismo (ito raw ang pinakatamang terminolohiyang pulitikal)—at kung papaanong naibalik ang musika sa mga kalsada ng Kabul na matagal ding ipinagbawal ng Taliban. Nagpagupit at nagpa-ahit ang mga kalalakihan. Nagtatakbuhan sa galak ang mga kabataan. Ang mga kababaihan nama’y naghubad na ng kanilang belong maiinit upang salubungin ang bagong umaga sa Afghanistan. Lahat sila’y pawang nagsasayawan. Tuloy-tuloy ang indakan, awitan. Ngunit hindi rito natapos ang laban. Ang mga larawa’y matatalim na kagat ng kagutuman, at paghihinagpis. Handa naman kaya ang US na pakainin ang lahat ng mga Afghan?
***
Matinding-matindi ang pagtanggap ng mga Filipino sa pelikulang Harry Potter, na hango sa mga kilalang nobela ni J. K. Rowling, isang Briton.
Sa muli kong pagsiksik sa premiere night (kaiba na ito sa lamay) nito noong Nob. 17 sa Louie’s THX Makati, hindi na ako nagtaka sa dami ng tao. Halos maubusan na kami ng upuan ng aking mga kasamahan.
Ang totoo’y pinayuhan akong basahin muna ang unang aklat ng Harry Potter, ang Harry Potter and the Sorcerer’s Stone, ngunit dahil sa ilang kompromiso, papasok na nga lamang ako ng sinehan ay nasa unang kabanata pa rin ako. Sa pagsisimula tuloy ng pelikula ay ilang pangalan lamang ang naaalala ko—natural, ang Harry Potter, ang Aldus Dumbledore, ang Prof. McGonagall, at ang pamilya Dursley—pawang mga tauhan ng unang kabanata. Ang iba pang mga sumunod na pangalan ay ibinulong na lamang sa akin ng aking makulit na katabi.
Alam kong pinagtatawanan ako ng aking mga kasamahang maagang dinapuan ang Harry Potter. Inaamin ko namang saglit akong nahuli at ngayon lamang humahabol sa Harry Potter mania. Kahit napanood ko na ang pelikula ay tinitiyak kong babasahin ko pa rin ang aklat. Kahit naman kasi malasadong Briton ang kultura ng kuwento, unibersal naman ang nagging aral nito.
***
Ang amin ring pasasalamat sa lupon ng inampalan para sa Ustetika!—Ophelia Alcantara-Dimalanta, Marjorie Evasco at Christine Godinez-Ortega (Poetry); Benilda Santos, Danton Remoto at Bienvenido Lumbera (Tula); F. Sionil Jose, Rosario Cruz Lucero, Jaime An Lim (Fiction); Jun Cruz Reyes, Ferdinand Lopez at Cirilo Bautista (Katha); Danilo Reyes, J. Wendell Capili at J. Neil Garcia (Essay); Virgilio Almario, Marra Lanot at Michael Coroza (Sanaysay); Cristina Pantoja-Hidalgo at Ramil Gulle (Children’s Fiction); Rebecca Añonuevo at Raymund Garlitos (Kathang Pambata); Jose Victor Torres, Rustica Carpio at Ricky Lee (One-Act play at Dulang May-Isang Yugto).
***
Ang pag-iral ay nagsusumamo sa kalangitan. Hinihiling nito na maibsan ang lamig sa pag-iisa. Sa aking Ulap, hindi ako nakalilimot. Sa hamog, muli tayong magyayakap. Sa wakas, makakaniig ko rin ang paniwala ng pananalig.