IPAUUNA ko na ito: Muli naming ipinapaalala sa mga Tomasinong makata, kuwentista, sanaysayista at mandudula na sa Okt. 15 ang huling araw ng pagpapasa ng mga lahok para sa ika-17 Gawad Ustetika para sa Panitikan. Para sa iba pang impormasyon at entry forms magsadya lamang sa tanggapan ng Varsitarian, Silid 112, UST Main Bldg. Maari ring makakuha (ang totoo’y makahiram) ng kopya nito sa inyong mga lokal na publikasyon. Kaya’t huwag na huwag magpapahuli o mahuhuli.
***
Iiwan ko muna ang mabibigat na isyung panlipunan sa aking mga kasamahan. Kung hindi, baka ako makaligta na mayroon akong sariling muling umuusbong, bumubusilak. Baka lalo kong malimutang may kung anong panibagong inspirasyon na nananahan ngayon sa pinagpalang paglalakbay ng pagkatha Dumating na ang panahon ng pagbabanlaw sa paglikha.
***
Sa pagbabalik-sarili, di maiiwasang alalahanin ang nakaraan sa pamamagitan ng isang kahon na naglalaman ng lahat-lahat—mga liham. Mga taon na pinagkasya sa iisang kahon. Nakagawian ko na ang pagsusulat ng liham mula pagkabata. Ito marahil ang nagdala sa akin sa mahiwagang mundo ng pagsulat, sabi ko nga sa aking pinsan, nang makakuwentuhan habang “hinahalukay” ang mga pangyayari sa nakaraan sa pamamagitan ng mga liham na ito.
May mga damdaming muling nagbalik—pag-ibig, maari, ngunit di lamang pag-ibig. Maging ang sakit, kaligayahan, lahat pinagbigkis-bigkis ng pakikipagsulatan. Naglalaman ang bawat isa sa kanila ng mumunting mga bahagi ng puso ng mga katalik-sulat. Ng mga kaluluwang siyang nangungusap sa kapwa kaluluwa. Sa kapwa puso.
***
Ipinagmalaki ko kay pinsan na laman ng kahong aking ipinakita sa kanya ang mga kuwento ng aking puso at kaluluwa—ilang taon din ang laman niyon? Walo? Sampu? Labindalawa? Laman ng kahon ang kalahati ng aking buhay. Naroon lahat ng mga bagay-bagay, bumagabag man o nagpapaliwanag. Maging ang mga payo ng pagsulat mula sa mga paham na nakilala sa ilang “eksplorasyon” at “engkuwentro,” pawang mga salita na nagpapatibay sa isang manlalakbay na umaasa sa pagtatagumapay ng panulat. Mga pabaong habambuhay na itatago, di lamang sa kahon, lalo na sa puso.
***
Mayroon akong isang epistolaryong itinatangi (maaring sapagkat sila pa lamang ang aking tunay na naisasapuso mula nang magsimulang sumulat), na ngayo’y nahalukay mula sa malalalim at masusukal na kagubatan ng mga memento at alaala—ang Letters To a Young Poet ni Ranier Maria Rilke. Nakalulungkot nga lamang dahil nasa Ingles ito (di babagay sa panahong ating ipinagdiriwang), ngunit ang mensahe nila’y unibersal; walang wikang kinikilalang lahi, walang uring pinipili. Narito ang mga piling halaw na aking sinubok isalin sa Filipino na nais kong ibahagi sa lahat:
***
Rilke: May iisang paraan lamang: Magmuni-muni. Hanapin mo ang dahilan, ang bagay na nagpapasulat sa iyo. Iyo itong subukin: nag-uugat ba ito hanggang sa pinakamalalim na bahagi ng iyong puso? Maari mo bang isumpa na ikamamatay mo ang pagsiil sa iyong pagsulat? Higit sa lahat, sa pinakatahimik na bahagi ng gabi, tanungin mo ang iyong sarili: Dapat ba akong magsulat? Hanapin mo ang sagot sa kaibuturan. Kung iyong tuwirang masasagot ito ng “Dapat,”gawin mo itong iyong buhay.